Marco Alcaraz naguluhan sa magkaibang resulta ng COVID test: Sobrang hindi ako makapaniwala…

NAGULUHAN ang aktor na si Marco Alcaraz sa magkaibang resulta ng tatlong COVID-19 test na ginawa sa kanya kamakailan.

Nagpositibo ang asawa ng beauty queen-actress na si Lara Quigaman sa kanyang swab test ngunit nag-negative naman sa saliva antigen at isa pang RT-PCR test.

Kaya para makasiguro, nagdesisyon si Marco na kumpletuhin na rin ang kanyang 14-day quarantine lalo pa ngayong patuloy pa ring tumataas ang bilang ng mga tinatamaan ng killer virus.

Ibinahagi ng aktor sa kanyang vlog ang sitwasyon niya ngayon kung saan sinabi nga niyang nakakapraning ang magkaibang resulta ng kanyang COVID test.

Ani Marco, ipinaalam sa kanya noong March 16 na nag-positive sa COVID-19 ang isang staff sa kanilang lock-in taping sa Cavite kaya kailangan din niyang mag-quarantine.

Nagtaka naman siya nang malamang negative ang kanyang roommate na nakasama niya sa kwarto for five days kaya agad siyang nagpa-saliva antigen test.

“Positive po ako sa COVID. Sobrang hindi ako makapaniwala. Di ko matanggap na…wala akong nararamdaman, asymptomatic ako.

“Ang hindi ko pa matanggap kasi for the five days na nag-isolate kami, may roommate po ako. And yung roommate ko nag-negative siya. Then ako nag-positive,” pahayag ng aktor.

Ipinakita pa niya sa video na negative ang kanyang saliva antigen test at para mas makasiguro, sumailalim uli siya sa isa pang RT-PCR test makaraan ang dalawang araw at negative pa rin ang resulta nito.

“It turns out to be negative po ulit. Sobrang naguguluhan ako talaga. Pero just to be safe, para sa mga bata, para kay Lara, para sa ibang tao, I will complete my isolation here,” pahayag ng mister ni Lara.

Ayon pa sa aktor, ilang tulog na lang at makakasama na niya uli ang kanyang pamilya at habang naka-quarantine, ginugugol niya ang kanyang panahon sa pagre-reflect at pagdarasal.

Miss na miss na rin daw niya si Lara at ang tatlo nilang anak. Naging emosyonal pa nga si Marco nang basahin ang sulat ng anak niyang si Noah na nagdarasal na sana’y makauwi na siya sa kanilang tahanan.

Read more...