Mainit ngayon ang mga band, mapa-lalaki man o mapa-babae, at kitang kita ang impluwensiya ng KPop sa kanila. Ngunit isang bagong-tatag na grupo ang nagnanais na maiangat ang panlasang Pilipino sa lumalaking mundo ng mga boy band sa bansa—ang “Guwapitos.”
Binubuo ang grupo nina Kai Flores, Rafael Keyser, Brian Patrick Mallorca, at Rainier Angelo Santiago, at humarap sila kamakailan sa ilang piling mga manunulat sa Quezon City, kasama ang ilan pa sa mga alaga ng bagong talent agency na Dragon Talent and Management na pinamumunuan ni Managing Director Liz Avaro.
“We hope to bring our own culture. We appreciate other countries, we should appreciate our own,” ani Keyser sa Bandera.
Sumang-ayon naman si Santiago: “We should love our own for us to grow as Filipinos.”
Sinabi naman ni Flores na “boy groups are popular, and we want to be known as a Filipino group.”
Ilang buwan nang hinahasa ng apat na Guwapitos ang kakayahan nila sa pagtatanghal, nagsasanay sa pag-awit at pagsayaw nang tatlong araw sa isang linggo, at tumatagal ang pagsasanay nang hindi bababa sa anim na oras.
Sa pagitan nito, subsob pa ang Guwapitos sa pag-aaral sa ilalim ng “new normal” bunsod ng pandemyang bunga ng Covid-19.
Nag-aaral ng design sa University of Santo Tomas sa Maynila si Keyser, 18, tubong-Boracay, habang Grade 11 naman sa Far Eastern University sa Quezon City si Flores, 18 din.
Grade 12 sa Jesus is Lord Colleges Foundation sa Bulacan si Mallorca, 17, habang kumukuha si Santiago, 21, ng Business Administration sa Saint Mary’s College, sa Bulacan din.
Kamakailan lang ay hinirang si Santiago bilang Ginoong Bulacan Pilipinas, at nakatakdang katawanin ang lalawigan sa Misters of Filipinas para sa pagkakataong mabitbit ang pangalan ng bansa sa isang pandaigdigang patimpalak.
Siya man ang lumalabas na “panganay” sa pangkat, ngunit mapaglaro pa rin si Santiago, sinabing “fun” ang mga pagsasanay ng Guwapitos.
“We’re all out, but we don’t feel tired of what we’re doing because it’s just like playing around,” aniya.
Sinabi naman ni Keyser na pinatatatag ng mga pagsasanay ang “camaraderie and understanding” ng isa’t isa.
Kasalukuyang sumusubok ang Guwapitos sa bagong reality talent search sa TV5, at nakaungos na sa ilang yugto ng pagpili para sa palatuntunang binuo mismo ng himpilan. Wala pang inaanunsyong petsa ng pagpapalabas nito sa ngayon.