Vico nakumpleto na ang 14-day quarantine: Safe na yung nakasalamuha ko nu’ng March 12

KINUMPLETO pa rin ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang 14-day quarantine kahit negatibo ang naging resulta ng kanyang COVID-19 test.

Agad sumailalim sa self-isolation ang alkalde ng Pasig nang tamaan ng killer virus ang kanyang driver na naging sanhi nga ng pagkamatay nito.

Ngunit kahit nga naka-quarantine, tuloy pa rin ang pagtatrabaho ni Vico sa pamamagitan ng text at  online platforms.

Ngayong araw, ibinalita ng anak nina Vic Sotto at Coney Reyes sa kanyang official Facebook page natapos niya ang dalawang linggong quarantine at ipinost pa ang negative result ng pinakabago niyang PCR test.

Ani Mayor Vico, “My last night of quarantine!

“1. Nag NEGATIVE ako sa PCR test nung ika-apat na araw mula exposure, kaya safe yung nakasalamuha ko pa nung March 12.

“2. Pero kahit negative, tinapos ko pa rin ang 14-day quarantine period, dahil ito ang sabi sa DOH Guidelines para sa CLOSE CONTACTS. Maaari kasing nag i-incubate pa lang ang virus kahit na nag-negative ka na sa test.

“3. Nagtrabaho pa rin ako, pero mas magaan lang ng konti dahil walang face-to-face meetings,” ang nakasaad sa kanyang FB status.

Nagpasalamat din siya sa lahat ng nagdasal para sa kanyang kalusugan kasabay ng muling pagpapaalala sa publiko na patuloy na sundin ang lahat ng safety protocols para sa paglaban sa COVID.

“NOTE: Alinsunod sa IATF Resolution 104, para sa paghihigpit sa Greater Manila Area hanggang April 4 (Pasko ng Pagkabuhay), iiwasan pa rin natin ang face-to-face meetings hanggang April 5. Ang City Hall naman ay nasa Alternative Working Arrangement pa rin,” pahabol na mensahe ni Vico.

Kung matatandaan, agad na ibinalita ng batang mayor ang nangyari sa kanyang driver, “Following DOH protocol, I will be in QUARANTINE until MARCH 24 (2 weeks from when he last drove for me). I will continue working via Zoom and phone.

“Na-PCR test na rin kaming mga close contacts. Mamayang hapon ang resulta. Wag mag-alala ok naman po kaming lahat… walang sintomas,” aniya.

Nagbigay din siya ng mensahe para sa namatay na driver, “Napakabait at maaasahan si Kuya Vener. Si ever-smiling… na kahit nga pinapagalitan na ay nakangiti pa rin.

“Nu’ng hindi pa ako konsehal at nag-iisa pa lang siyang staff ko, kaming dalawa yung laging magkasama. Sinuyod namin ang mga eskenita’t looban ng Pasig nang kaming dalawa lang. Kwentuhan lang habang nasa sasakyan, mula umaga hanggang gabi.

“Isang mabuting asawa, ama, at kaibigan. Mahal na mahal siya ng mga tao. Mami-miss ka namin Kuya Vener. Mahal ka namin,” papuri pa niya sa kanyang driver.

Read more...