NAGLABAS na rin si Janine Gutierrez ng saloobin tungkol sa nangyayari sa bansa — na isang taon nang dumaranas ng pasakit ang mga Filipino dahil sa pandemya pero wala pa ring malinaw na solusyon ang pamahalaan.
Sabi ni Janine sa kanyang tweet, “Napakawalang malasakit naman. Isang taon nang nagtitiis ang mga Pilipino, imbis na magbigay ng solusyon, ang maipapayo mo ay magtiis pa rin at wag magreklamo?
“Hanggang kelan? Masunurin at maintindihin ang Pinoy, kung meron lang sanang matinong maaasahan,” sabi ng dalaga.
Walang binanggit na pangalan ang dalaga sa kanyang mensahe ngunit tila ang tinutukoy nito ay ang naging pahayag kamakailan ng Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa patuloy na banta ng pandemya sa bansa.
Ilang beses din itong ni-repost ng mga netizen na umabot na sa mahigit 1.3k retweet, 7.1k likes at 125 comments and still counting.
Sinagot naman si Janine ni @kael1128, “Hindi lang Pilipino ang nahihirapan at nagtitiis, buong mundo po.”
Sumagot ang aktres at sinabi niyang para sa mamamayang Filipino ang paglabas niya ng saloobin. Aniya, “@kael1128, masaya ako para sayo na kaya mong magtiis. pero marami tayong kababayan na ikamamatay ang pagtitiis. ang ‘reklamo’ kong ito, para sa kanila.”
Tama naman ang sagot ni Janine dahil marami naman talagang kayang magtiis at may pisi pa, paano naman ang mga walang-wala na?
Paano ang mga kababayan nating pag hindi nagtrabaho ay wala silang maipakakain sa pamilya nila. Naniniwala kami na maraming nagsusumikap pero sadyang hindi nabibigyan ng pagkakataon para magkaroon ng regular na trabaho o pagkakakitaan.
Marami ring mga artistang walang regular na trabaho ngayon at dumaranas din ng hirap at ang iba ay umaasa rin sa tulong ng kapwa nila artista na may mga project sa panahon ng pandemya.
Isa si Janine sa mga masusuwerteng artista dahil maganda ang pasok ng 2021 sa kanya. Bukod sa pagpirma niya ng kontrata sa ABS-CBN ay mga ginagawa pa siyang ibang projects.
At noong 2020 nga ay natapos din niya ang pelikulang “Dito at Doon” kasama si JC Santos mula sa TBA Studios na idinirek ni JP Habac at mapapanood na sa Marso 28 sa KTX.ph, Cinema 76, iWantTFC, Ticket2Me at GMovies Upstream.