Bandera Editorial
MABUTI naman at umaamin din ang Senado na marami rin silang pagkakamali sa mga batas na ipinasa, bunsod para mas lalong tumaas ang krimen; at bunsod para di makatulog ng mahimbing ang ilang mga lider-politika at opisyal ng Armed Forces at National Police. Turan natin ang batas na nagbabawal na parusahan at ikulong ang mga menor de edad na mahuhuli sa krimen. Ilang beses na inamin ng mga senador, isa riyan si Sen. Richard Gordon, na nagkamali sila sa pagpasa sa batas na ito, sanhi upang lagdaan ni Pangulong Arroyo. Nang maging ganap na batas na, iniulat ng PNP ang pagtaas ng bilang ng krimen sa Metro Manila na kinasasangkutan ng mga menor de edad. Sa kanyang pag-amin ng pagkakamali, sinabi ni Gordon na ang mga menor de edad ay ginagamit na ng maraming sindikato sa pagnanakaw, salisi, holdap, snatching, pagbibiyahe ng droga, atbp. Hindi masisisi ang PNP kung palayain nila ang mga menor de edad na sangkot sa maraming krimen dahil sila naman ang makakasuhan. Pero, bakit wala pang sumususog para bawiin ito? Inamin ni Sen. Joker Arroyo na kapag di nagtagumpay ang automated election, ang Senado ang dapat sisihin. Si Arroyo ay isa sa mga senador na bumoto para pairalin lamang ang automated election sa Metro Manila, Metro Cebu, Metro Davao at mga lungsod na may kakayahan para rito. Ang mga liblib na lugar, na iilan din ang mga botante, ay mag-manual election pa rin. Nagtataka si Arroyo kung bakit nagmamadali ang ilang senador, lalo pa ang napakaimpluwensiyang tinig ni Gordon, para isusog ang nationwide automated election. Ipinasa ang nationwide automated election. Nilagdaan ni Pangulong Arroyo ang batas, para ito’y ganap na pairalin. Ngayong nalalapit na ang halalan at marami nang palpak ang sablay na naganap sa pagsubok pa lamang sa mga makina nito, hindi sinisisi ng oposisyon at Komunista ang mga nagpasa rito. Bagkus, inilihis (na naman, siyempre) nila ang isyu at humakbang at nasa kabilang ibayo na nga, para sisihin ang Philippine Military Academy Class 1978 at si Pangulong Arroyo. Kung ang isipan ay nakatuon palagi sa gulo, lahat ay may paraan, lahat ay may dahilan, at sa gulo pa rin patungo. Yan ang timpla nila.
Bandera, Philippine News, Politics 032910