PBB 4th Big Placer Jie-Ann pinili sina Kathryn at Loisa para magbida sa kanyang life story

KUNG ipalalabas sa Maalaala Mo Kaya ang life story ng “Pinoy Big Brother Connect” 4th Big Placer na si Jie-Ann Armero may dalawang aktres siyang napili para gumanap sa kanyang karakter.

Yan ay walang iba kundi ang tinaguriang Queen of Hearts na si Kathryn Bernardo at ang Kapamilya young actress na si Loisa Andalio.

“Siguro kung magkakaroon man tungkol sa buhay ko sa ‘MMK’, gusto ko ang mag-portray sa kuwento ng buhay ko ay si Loisa Andalio or si Kathryn Bernardo,” pahayag ni Jie-Ann.

Ang dalagang tinaguriang “Kwelang Fangirl ng Sarangani” ang nakapag-uwi ng P200,000 matapos tanghaling 4th Big Placer sa katatapos lang na “PBB Connect” finals night kung saan nanalong Big Winner si Liofer Pinatacan.

Inamin ni Jie-Ann na kung mabibigyan siya ng chance, gusto rin niyang pasukin ang showbiz at isa raw sa mga pangarap niya ay ang makapag-perform sa Sunday variety show ng ABS-CBN na “ASAP Natin ‘To.”

“Yes po, gusto ko subukan kasi nagiging fangirl ako ng mga artista. Gusto ko rin masubukan yung feeling ng ganu’n and gusto ko pong makasayaw sa ASAP at saka kumanta,” chika ng dalaga.

Inalala rin niya ang hirap at sakripisyo na dinanas niya sa loob ng Bahay ni Kuya ngunit aniya, marami siyang natutunan kay Big Brother at sa mga kapwa niya housemates.

“Kahit minsan mahirap yung task, parang minsan hindi namin napapagtagumpayan yung task, still pa rin naniniwala kami sa sarili namin and parang fun pa rin kasi nagkakaisa kaming lahat,” sey ng dalaga.

Aniya pa, “Super ganda yung pag-stay sa Bahay ni Kuya kasi kahit mahirap yung mga task, dahil kasama mo yung mga housemates parang natatabunan siya kasi nagtutulungan pa rin ang lahat, nagkakaisa, and super fun nga mag-stay sa bahay ni Kuya kasi parang lahat kami naging isang pamilya.”

Naging kontrobersyal agad sa PBB house si Jie-Ann nang magkaroon sila ng issue ng kapwa housemate na si Justin Dizon matapos siyang tawagin nito ng “marumi” dahil sa hindi pagligo araw-araw.

Paliwanag noon ng dalaga, talagang hindi regular ang pagligo niya noon sa probinsya dahil nagtitipid sila sa tubig dahil kulang ang supply sa kanilang lugar.

In fairness, nang dahil sa kontrobersyang yun, kumilos agad ang local government sa Sarangani para maayos ang water supply sa lugar nina Jie-Ann.

“Super saya ko po nu’ng nalaman ko ngayon kasi yun talaga yung problema namin, yung wala kaming tubig du’n. Kaya minsan hindi kami nakakaligo.

“Pero ang saya ko nu’ng nalaman ko kasi matutugunan na yung problema ng probinsya namin, magkakaroon na ng maayos na tubig yung Malapatan (Sarangani),” lahad pa ng dating PBB housemate.

Read more...