Kinumpirma ng Department of Health na kalat na sa Metro Manila ang mga bagong variant ng Covid-19 (UK, South Africa). Ang “reproduction number” ay nasa 1.9 na ngayon o isang tao nakakahawa ng halos dalawa, samantalang ang daily positivity rate ay 14.9 percent.
Kahapon, naitala ang pinakamataas na 8,109 new infections na ang kalahati o 4,103 ay narito lahat sa Metro Manila.
At tingnan niyo ang “active cases” na ngayo’y nasa 80,970, tinatayang 97.5 percent nito ay mga “asymptomatic” o mild ang mga kaso. Ibig sabihin, wala halos silang sintomas kayat hindi mo malaman kahit katabi mo na sila.
Isa pang dapat tandaan, mas nakakahawa ang sakit na ito kaysa noong nakaraang taon at bukod dito, ang tinatamaan ay mga kabataan sa edad na 20 hanggang 49 years old, na ang ibig sabihin, pawang mga nasa “working age” o nagtatrabaho.
Sa ngayon, ang hawaan ng Covid-19 ay nasa loob na ng mga bahay. Ebidensya niyan ang naka-lockdown ngayong labing-anim na baranggay sa Lungsod ng Maynila, 46 na kabahayan sa Makati, 40 lugar sa Pasig city, 26 “special concern areas” sa Quezon city at 89 na baranggay sa Pasay City. Dalawang subdivision sa Caloocan, Kingstown at Queensville, ang inilagay sa extreme enhanced community quarantine.
Sa mga ospital, naiulat din na pami-pamilya rin ang nasa ilang “Covid-19 suites” sa St. Lukes at Medical City, Asian Hospital at ilang mamahaling ospital sa Metro Manila. Bukod pa sa katotohanan na pawang nasa “high risk” na ang kakulangan ng mga ICU beds para sa mga pasyente ng Covid-19.
Kung susuriin, talagang nakakabahala ang sitwasyon lalot dalawang panganib ang hinaharap ng mga taga-Metro Manila ngayon. Unang-una, hihinto na naman ba sila sa paghahanapbuhay lalo ngayong wala nang SAP mula sa gobyerno? Ikalawa, makakaiwas ba sila sa pandemya kung ganitong wala na silang makain at wala nang pambili ng face mask, faceshield at iba pang proteksyon?
Ayon sa NEDA, merong 3.2 M katao dito sa Metro Manila ang ngayo’y dumaranas ng gutom. Ito ay 23 percent ng halos 13 milyong naninirahan dito. Ibig sabihin , dalawa sa sampung tao na makakasalubong mo ay dumaranas na ng gutom araw-araw. Bukod diyan, merong 506,000 “unemployed” o walang trabaho dito sa Metro Manila ngayon.
Ito’y dahil mismo sa higit isang taon nating quarantine at lockdown dulot ng pandemya.
Ang masakit pa rito, wala nang pondo ang national government upang mamahagi muli ng “social amelioration program” o SAP para sa mga tatamaang pamilya ng mga panibagong “lockdown” at pagbabawal.
Kaya naman, masyadong masalimuot ang problema ng mga taga-Metro Manila na ngayo’y episentro ng mas mabagsik, mas nakakahawang Covid-19 variants.
At siyempre, pasok na naman ang mga “doomsayers” , mga kritiko na wala nang ginawa kundi takutin ang tao, punahin ang gobyerno, sisihan, at ibandera ang kanilang political agenda. Nakakalungkot dahil sa halip na magkaisa o kaya’y tulungan ang taumbayan, walang katapusang pagkakalat ng maling impormasyon ang umiiral.
Naalala ko tuloy ang nangyaring kagandahan noong Abril ng nakaraang taon. Mga grupo ng negosyante nagkaisang magbigay ng donasyon sa mga nagdarahop nating mga mamamayan. Higit P8-B ang nalikom nilang pondo, pinakamalaki ang “Project Ugnayan” ng higit 36 na korporasyon na nagbigay ng 1.7 B. Sumunod ang grupo ni Senator Manny Pacquiao at Chinese billionaire Jack Ma na nagdonasyon ng P1.01B. Pangatlo ang National Grid Corporation na nagbigay ng P1-B at pang-apat si businessman Ramon Ang ng San Miguel Corporation na nagdonasyon ng P877-M.
Ang mga tulong ay ipinamahagi sa mga grassroots network ng Caritas-Manila, ABS-CBN, Jollibee, at Philippine Disaster Resilience Foundation at nakarating sa halos 7.6M katao. Tumulong din sila pagbili ng mga kailangang testing kits, PPE at pagtatayo ng mga isolation facilities sa mga nag-positibo sa Covid-19.
Ngayong dumadami na naman ang kaso ng pandemya, ikagagalak ng lahat kung muling magkakaisa ang mga negosyante upang tulungan muli ang ma naghihirap nating kababayan. Ito ang kailangan natin, hindi pulitika, batikos, pagalingan, sisihan at mga papogi na may mga personal na interes.