Ilang artistang kasama sa bagong pelikula tinamaan ng COVID-19 habang nasa shooting | Bandera

Ilang artistang kasama sa bagong pelikula tinamaan ng COVID-19 habang nasa shooting

Reggee Bonoan | March 23,2021 - 02:10 PM

MAGASTOS ang lock-in shooting at taping kaya hindi lahat ng producers ay kakayaning magbayad ng hotel para sa lahat ng taong involved sa produksyon.

May nakakuwentuhan kaming konektado sa isang production company na may natapos nang pelikula at nagpapasalamat siya na hindi siya nagpositibo sa COVID-19.

Hindi raw kasi sila naka-lock-in dahil walang extra budget ang producer kaya uwian sila pagkatapos ng 14 hours na trabaho.

May pa-service naman daw ang production para sa mga walang sariling sasakyan tulad ng staff and crew at ibang artista. May iba namang nagdala na ng sariling sasakyan.

Ang nangyari, kung sino ‘yung may mga sasakyan ay sila ‘yung nagpositibo sa COVID-19 kaya nahinto ang kanilang shooting.

“’Yung mga hinahatid kasi at sinusundo, sa bahay lang talaga, ‘yung mga may dalang sasakyan hindi sure kung diretso sila sa bahay o baka may iba pang dinaanan like nag-grocery o kung saan man, sila ‘yung nag-positive,” kuwento sa amin ng mismong taga-production.

Kaya pina-swab ang lahat ng kasama sa movie at nadiskubre na maraming positibo kaya ang ending nag-quarantine sila ng 14 days at nang mag-negative na ay itinuloy ang shooting.

“Mahirap talaga pag hindi malaking company kasi tipid sa budget,” sabi ulit sa amin.

In fairness, sobrang ingat naman ng lahat sa shoot, ‘yun lang talaga hindi sila lock-in kaya nagkaroon ng pandemya sa set.

Sa kasalukuyan ay may ilang kasama pa sa movie ang naka-quarantine pa rin daw at kung kailan patapos na ang shooting ay saka pa nag-positive sa virus.