Aicelle nangungulila sa 93old na lola; Boobay, Tekla wagi sa Best Choice Awards | Bandera

Aicelle nangungulila sa 93old na lola; Boobay, Tekla wagi sa Best Choice Awards

Ervin Santiago | March 23,2021 - 10:27 AM

EMOSYONAL ang recent Instagram post ng International Stage Performer and Soul Diva na si Aicelle Santos patungkol sa kanyang lola.

Ibinahagi rito ni Aicelle kung gaano na niya nami-miss ang kanyang 93-anyos na lola na kasalukuyang naninirahan sa probinsya.

“Now, I only have my 93-year-old lola in the province. I haven’t seen her since Christmas of 2019. Pangarap kong mayakap siya, gayon din ang aking mga magulang at kapatid.

“Pero kailangan tiisin ang pangungulila upang maprotektahan lang sila. Haaay… COVID. Ingat tayong lahat. Kasama n’yo akong nagdarasal,” ang caption ni Aicelle sa nasabing IG post.

Nanawagan din ang Kapuso star sa kanyang mga fans at social media followers na ipagdasal ang kasalukuyang sitwasyon ng bansa na patuloy na nakikipaglaban sa banta ng pandemya.

Samantala, napapanood pa rin si Aicelle sa GMA 7 bilang judge sa singing competition for kids na “Centerstage.”
Isa rin siyang mainstay performer sa weekend variety program na “All-Out Sundays.”

* * *

Winner na winner ang Kapuso fun-tastic duo na sina Boobay at Super Tekla sa katatapos lang na Best Choice Awards for 2020-2021.

Ginawaran sila ng magkahiwalay na parangal bilang Most Outstanding Stand-up Comedian.

Bukod dito, ang weekly comedy show nilang “The Boobay and Tekla Show” (TBATS) naman ang nagwagi bilang Most Outstanding Variety Show.

Ginanap last Saturday ang virtual awarding ceremony ng Best Choice Awards.