TINAMAAN din ng COVID-19 ang dalawang miyembro ng Beks Battalion na sina Chad Kinis at MC Calaquian.
Ibinalita ito mismo ni Chad sa kanyang YouTube channel na kinunan daw nitong March 19 at in-upload agad kinabukasan.
Dito nga kinumpirma ng komedyante na nahawa rin siya ng COVID-19 at ito raw ang dahilan kung bakit hindi sila magkakasama ngayon ng Beks Battalion sa iisang bahay.
Nilinaw din ni Chad na hindi totoo ang chika na nag-away-away sila nina MC at Lassy Marquez kaya hindi na sila nakakagawa ng bagong vlog sa YouTube channel ng Beks Battion.
“For now, hindi po kami magkakasama sa bahay ng Beks Battalion, magkakahiwalay po kami ngayon dahil na rin po sa isang reason.
“Kaya po kami magkakahiwalay ng bahay kasi kailangan po mag-quarantine ng bawat isa sa amin. Nagkaroon po ng COVID outbreak dito sa bahay,” kuwento ni Chad.
Una raw tinamaan ng killer virus ang isa sa mga kasamahan nila sa bahay na si Tonton, na miyembro ng Beks Friends hanggang sa mahawa na si Chad.
“Nilagnat ako, nagkaroon ako ng baradong ilong, pero hindi ako nawalan ng panlasa, pang-amoy. So sabi ko sana wala lang ito. But still I opted to have my swab test kasi mayroon din po akong taping.
“So kailangan ko magpa-swab test. Upon the swab test ‘yon po nag-positive ako,” pahayag ng komedyante kasabay ng pag-amin na baka sa hiniram niyang lip balm ni Tonton niya nakuha ang virus.
Kasunod nito, agad na ring sumailalim sa RT-PCR ang dalawa pang miyembro ng Beks Battalion at iba pa nilang mga kasama sa bahay. Sabi ni Chad, habang kinukunan ang nasabing vlog ay negatibo na sila ni Tonton sa COVID-19.
“Ako rin po negative na rin po ako, cleared na rin po ako, may antibodies na rin po ako,” sey ng stand-up comedian.
Samantala, negative naman ang resulta ng RT-PCR ni Lassy pero nagpositibo si MC at naka-quarantine pa rin ito ngayon, “Nag-check po ulit si Kuya MC at Kuya Lassy. Negative po si kuya Lassy, pero nag-positive po si kuya MC,” ani Chad.
Pagbabahagi pa ni Chad, napag-usapan nila ng grupo at ng iba pa nilang kasamahan sa bahay na huwag malulungkot o made-depress para mapanatiling malakas ang kanilang immune system.
Hindi rin daw sila tumitigil sa pagdarasal para sa kaligtasan ng lahat, “Kami po we follow the protocols, we follow the rules but sill nalusutan kami ng kalabang ‘di nakikita.”