ISDA, sitaw, talong, bagoong at sopas — yan ang pinagsaluhan nina Pangulong Rodrigo Duterte, Sen. Bong Go at Willie Revillame nang magkasama-sama sila sa isang hapunan kamakailan.
Nagkuwento ang TV host-comedian sa nakaraang episode ng “Wowowin” tungkol sa pagbisita niya sa Malacañang sa paanyaya na rin ng Pangulo.
Ito’y sa gitna nga ng balita na patuloy na kinukumbinsi ni P-Duterte si Willie para tumakbo sa darating na 2022 elections para mas marami pa siyang matulungan sa pamamagitan ng public office.
Pero mariing itinanggi ni Willie na politika ang rason kung bakit siya nagtungo sa Palasyo noong Martes ng gabi, March 16.
Isang simpleng dinner lang daw ang naganap nu’ng gabing yun kung saan pinagsaluhan nila ang isda, puso ng saging, sitaw, talong, bagoong at sopas. Inabot nga raw sila ng hatinggabi sa pagkukuwentuhan.
“Isang malaking karangalan po na maimbitahan tayo ng mahal nating Pangulo, Senator Bong Go, at Secretary (Salvador) Medialdea dahil po wala kaming pinag-usapan about politics.
“Ako po ay naimbitahan para po pasalamatan ng pangulo, ng pamahalaan, pasalamatan ang ‘Wowowin: Tutok to Win,’ pasalamatan po ang GMA 7, sa programang gumagawa ng paraan na makatulong tayo sa ating mga kababayan,” pagbabahagi ng TV host sa Kapuso viewers.
Personal siyang pinasalamatan ni Pangulong Duterte sa lahat ng ginagawa niyang pagtulong sa mga Filipino sa pamamagitan ng kanyang programa sa GMA.
“Siyempre ho nakakaantig ng puso at nakakabigay-inspirasyon po na pinagkakatiwalaan kayo ng ating pamahalaan, ng ating mahal na pangulo sa ginagawa po ng programa.
“Hindi po ako ‘to (solo). Programa po ito ng ‘Wowowin: Tutok to Win.’ Parte po ito ng programa pong ito na makatulong sa atin pong kababayan at ‘yung pagtulong po ay taos-puso sa kanila.
“So lahat po ng ito ginawa para po sa pagtulong sa ating kababayan, sa panahon po ng etong pinagdadaanan natin. Si Pangulong Duterte po ay nagpasalamat po nang personal sa akin,” mensahe ni Willie.
Hindi naman itinanggi ni Willie ang balita na hinihikayat siya ng Pangulo para mas marami pa siyang makatulong sa mas malawak na paraan, at yan nga ay ang pagtakbo sa susunod na eleksyon.
Ngunit sabi ng TV host, sa ngayon ang priority niya ay ang kanyang programa, “And then, ang sabi niya sa akin, ‘Ipagpatuloy mo ‘yung pagtulong sa ating mga kababayan. Salamat sa programa mo, salamat.’
“Sabi pa niya, ‘Willie, salamat diyan sa GMA 7 na gumagawa kayo ng kabutihan at talaga palang wala kayong kinikilingan at walang pinoprotektahan.’
“Alam n’yo pag-uwi ko parang napakasarap po ng pakiramdam na nabibigyan ka ng pasasalamat ng namumuno ng ating bayan.
“Mahirap ho kasi ‘yung magdesisyon sa buhay eh ‘no, pero mahirap pong iwan ang programang ito. Marami hong umaasa dito.
“Ang sabi ko lang sa mahal na pangulo, ipagdadasal ko ho nang mabuti at pag-iisipan ko ho itong desisyon pero sa ngayon ho, hindi ko po pwedeng iwanan ang programang Wowowin.
“Tutulong po ako kahit sino maging presidente, kahit sino pong umupo diyan. Tutulong po ang ‘Wowowin: Tutok to Win’ at ang GMA 7 sa ating mga kababayang kapus-palad at naghihirap.
“May telebisyon man o wala, gagawin po namin ‘yan. Gagawa po kami ng kabutihan kahit wala po kami sa posisyon. ‘Yan po ang Wowowin ‘Tutok to Win,'” lahad pa ni Kuya Wil.