Regine, Ogie 2 weeks hindi nayakap, nahalikan si Nate; hinikayat ang mga Pinoy na magpabakuna
MAKALIPAS ang halos dalawang linggo, nayakap at nahalikan muli nina Regine Velasquez at Ogie Alcasid ang nag-iisa nilang anak na si Nate.
Walang choice ang celebrity couple kundi ang tiisin ang pagka-miss nila sa anak dahil para na rin ito sa kalusugan at kaligtasan ng bagets sa gitna ng biglang pagtaas muli ng COVID-19 cases sa bansa.
Kuwento ng Asia’s Songbird dahil sa tuluy-tuloy pa rin ang kanilang pagtatrabaho ng asawa, kailangang triplehin ang pag-iingat kapag umuwi na sa bahay para siguruhing wala silang madadalang virus.
Sa kanyang Instagram post, sinabi ni Regine na may mga pagkakataong bihira nilang mayakap at ma-kiss ni Ogie ang kanilang anak dahil kailangan nilang mag-self isolation matapos sumabak sa work.
“Ngayong araw na to we got to kiss and hug Nate. Kasi pag may work hindi talaga kami lumalapit sa kanya. And I’ve been missing him soooooo much.
“We got the results of our test today and we were both negative. Thank you Lord. Halos 2 weeks yata kaming hindi masyadong lumalapit kay Nate kaway kaway lang, ang hirap!!!! Pero ok lang basta safe siya,” simulang sabi ng Songbird sa caption ng kanyang IG photo.
Aniya, sa mga susunod na araw ay balik-trabaho na uli sila ni Ogie kaya matatagalan na naman bago niya maka-bonding nang bonggang-bongga si Nate.
“Then need to do PCR again to be sure it’s safe to hold and kiss him na. But again it’s ok basta mas important safe si Nate.
“Para po sa mga magulang na kailangan talaga lumabas para maghanap buhay gaya namin, ingatan po natin ang ating mga sarili para po sa kaligtasan hindi lang ng mga mahal natin sa buhay para din sa ating lahat,” paalala niya sa madlang pipol.
Dagdag pa niyang mensahe para sa mga kapwa magulang, “Mag face mask at shield po tayo at parating maghugas ng kamay.
“Para sa mga nagtatrabaho sa mga enclosed na lugar pabuksan po natin ang mga bintana malaking tulong po ang fresh air.
“Para naman sa mga bagets tiis lang tayo ng konti kung hindi kailangang lumabas stay home muna tayo. Isang taon na tayong ganito at hanggang ngayon in fairness sa ating lahat at sa awa ni Lord kinakaya pa rin natin.
“Mahirap at malungkot pero kung hindi tayo magtutulungan mas lalong magiging mahirap para sa ating lahat,” pahayag pa ni Regine.
Samantala, hinikayat din ng Asia’s Songbird ang mga Filipino na magpabakuna agad kapag nabigyan ng chance.
“Nais ko rin po kayong I encourage na pag may pagkakataon na po tayong lahat magpabakuna gawin na po natin. Gaya nyo takot pa rin ako pero if there’s an opportunity to get the vaccine I hope that you guys will at least think about it.
“My husband and I will definitely (kung magkaron na) do it not just for as but for Nate na sa ngayon hindi pa pweding mag pabakuna.
“Let us also be informed and read about it (vaccination) hindi lang yung mga side effects basahin din natin yung posibleng tulong na magagawa nito para matapos na ang pandemic na ito.
“Damihan pa natin ang dasal matatapos na to in JESUS name………God bless po sa ating lahat and again please stay safe,” pahabol pang mensahe ni Regine.