The Gold Squad puring-puri ni Sylvia: Marespetong mga bata, hindi lumalaki ang ulo nila | Bandera

The Gold Squad puring-puri ni Sylvia: Marespetong mga bata, hindi lumalaki ang ulo nila

Ervin Santiago | March 22,2021 - 09:45 AM

PURING-PURI ng award-winning actress na si Sylvia Sanchez ang apat na miyembro ng The Gold Squad na sina Andrea Brillantes, Seth Fedelin, Kyle Echarri at Francine Diaz.

Magkakasama sila sa bagong Kapamilya series na “Huwag Kang Mangamba” na magsisimula na ngayong gabi sa Kapamilya Channel at iba pang platforms ng network.

“Masaya ako sa Gold Squad kasi unang-una, hindi ko ramdam yung laki ng ulo na parang kami ang bida dito, hindi ko nararamdaman yun.

“And ang gusto ko sa kanila mabubuting bata. Marespeto sila. Ako naniniwala ako na kapag nasa set ka, lalo na pag bata ka, okay na maglaro ka sa set sa mga ka-age mo, but at least meron pa ring time na makihalubilo sa seniors mo kasi du’n ka matututo,” pahayag ni Sylvia sa nakaraang digital presscon ng “Huwag Kang Mangamba.”

Dagdag pang sey ni Ibyang, “Maraming ma-a-advise sa ‘yo or maraming matuturo sa ‘yo yung mga seniors mo and nakikita namin yun sa Gold Squad.”

At in fairness, pati raw ang award-winning actress ay kinikilig sa dalawang Kapamilya loveteam. Ine-enjoy din daw niya ang pagiging nanay-nanayan ng apat na bagets lalo na noong naka-lock in taping sila.

“After ng taping, yang sina Andrea at Francine biglang magte-text sa akin ng, ‘Tita or Nanay, meron ka po bang pagkain diyan? Nagugutom po kami.’ So meron akong mga anak na inaalagaan sa set so tuwang tuwa ako.

“Naa-appreciate ko yung mga batang ginaganu’n ako and naghahanda ako ng food sa kanila. Tapos nag-o-open sa akin yung mga bata, binibigyan ko naman sila ng advice.

“I hope nakatulong sa kanila. Basta ako natutuwa ako and proud ako dahil ang gagaling nila! Mark my words ito yung next generation na mga artistang nandiyan, nasa top,” pahayag pa ni Sylvia.

Kuwento pa niya patungkol kay Andrea, “Si Blythe (palayaw ng dalaga) eight years old nasa amin na yan eh. Kasi first show ni Arjo (Atayde) kapatid siya ni Arjo. After that nag-dire-diretso na siya, naging best friend na siya ni Gela, ng daughter ko.

“So sanay na si Blythe sa akin. I love Kyle (Echarri). Mamang bata yun. Yung apat na yan ang gagaling. Si Seth (Fedelin) naman ang guwapo.

“Basta lahat sila mabubuting bata and sinasabi ko sa kanila na the more na itataas kayo ng Diyos, the more na sisikat kayo, huwag na huwag na huwag lumaki ang ulo kasi yun talaga ang downfall ng isang artista and sana hindi mangyari sa kanila yun kasi ang gagaling nila eh,” chika pa ng premyadong aktres.