Carla Abellana, Tom Rodriguez engaged na...last year pa! | Bandera

Carla Abellana, Tom Rodriguez engaged na…last year pa!

Ervin Santiago | March 21,2021 - 03:00 PM

ENGAGED na ang Kapuso celebrity couple na sina Carla Abellana at Tom Rodriguez!

Ibinandera ng dalawa sa kani-kanilang Instagram account ang naganap na marriage proposal kung saan makikita sa litrato ang suot na diamond ring ng Kapuso actress.

Ibinahagi ni Tom sa IG ang litrato nila ni Carla kalakip ang isang love quote mula sa poet-diplomat na si Pablo Neruda.

“I love you without knowing how, or when, or from where. I love you simply, without problems or pride: I love you in this way because I do not know any other way of loving but this…” mensahe ng Kapuso actor.

Makikita naman sa IG post ni Carla ang isa pang photo nila ng kanyang fiancé kung saan sinabi niyang paulit-ulit siyang sasagot ng “YES” sa proposal ni Tom with matching ring emoji.

Nag-post din ang Nice Print Photography sa IG ng mga litrato ng pagluhod ni Tom sa harap ni Carla at kinumpirmang noong October, 2020 pa nangyari ang engagement ng Kapuso couple.

“And it’s finally out. The actual wedding proposal of Tom Rodriguez and Carla Abellana happened last October 2020. Congratulations lovebirds!” ang nakalagay sa caption.

Bumuhos naman ang pagbati para sa dalawa mula sa netizens at mga kaibigan nila sa showbiz kabilang na siina Heart Evangelista, Max Collins, Iya Villania, Julie Anne San Jose, Benjamin Alves, Lovi Poe, Ruru Madrid, Andrea Torres, Solenn Heussaff at Chynna Ortaleza.

Mahigit anim na taon na ngayong magkarelasyon sina Tom at Carla at sa mga past interview nila pareho nilang sinasabi na handa na silang magpakasal at hinihintay lamang ang perfect timing.

Noong kasagsagan ng lockdown, magkasama na sa isang bahay ang engaged couple kung saan mas tumibay pa ang kanilang pagsasama.

At sa loob ng ilang buwan nilang pagsasama sa iisang bubong, mas nakilala pa nila ang ugali ng isa’t isa. Dito, nalaman ni Carla na “all-around” ang kanyang future husband.

“He was able to fix electrical work. Our plumbing, twice na tinopak ang aming water pump. Nagawa ni Tom. He was resourceful enough to use whatever we have at home to build, like, a contrapment or whatever.

“Ang galing na kaya niya talaga whether it’s electrical, plumbing, or sa construction. Na-discover ko yun kay Tom,” anang aktres.