Ate Vi, Dingdong, pangungunahan ang maningning na 4th EDDYS

PANGUNGUNAHAN nina Batangas 6th District Representative at Star for All Seasons Vilma Santos at AKTOR Chairman of the Board Dingdong Dantes ang maningning na gabi ng parangal ng 4th The EDDYS (Entertainment Editors’ Choice) ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) sa bago nitong streaming date sa April 4, Easter Sunday, 8 p.m., sa FDCP Channel (fdcpchannel.ph) at iba pang digital platforms.

Si Rep. Vi, na kauna-unahang EDDYS best actress para sa pelikulang “Everything About Her” noong 2017, ang naatasang mag-present ng best actress award habang ang 3rd EDDYS best actor naman na si Dingdong (para sa pelikulang ‘Sid & Aya’) ang maghahayag ng mananalong best actor.

Sa pakikipagtulungan ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ni Chairperson/CEO Liza Diño-Seguerra, ang ikaapat na edisyon ng The EDDYS ay sa ilalim ng direksyon ng OPM icon na si Ice Seguerra.

Labing-apat na kategorya ang paglalabanan ng mga de-kalidad na pelikulang ipinalabas noong nakaraang taon.

Bukod diyan, bibigyang-pagkilala din ang mga natatanging artista at personalidad na nagmarka at walang sawang tumutulong sa industriya ng pelikula.

Ang 2021 Icon awardees ay sina Tommy Abuel, Pilar Pilapil, Boots Anson-Rodrigo, Gina Pareño, Dante Rivero, Ronaldo Valdez, Direk Joel Lamangan, Ricky Lee at Caridad Sanchez.

Ilulunsad din sa gabing iyon ang Isah V. Red Award bilang pagkilala at pag-alala sa yumaong founding president ng SPEEd na si Isah V. Red.

Ang mga unang tatanggap ng IVR Award ay sina Ramon Ang, Senator Bong Revilla, Kim Chiu, Angel Locsin, Claire de Leon-Papa at Rhea Anicoche-Tan.

Special awardees naman sina Lolit Solis (Joe Quirino Award); Mario Bautista (Manny Pichel Award); Blacksheep Productions (Rising Producers Circle Award); at The IdeaFirst Company (Producer of the Year Award).

Samantala, sa ikatlong taon ng pagsasanib-pwersa ng SPEEd at FDCP para sa The EDDYS, sinabi ni Chair Liza na, “Ikinararangal ko pong maging kabahagi ng EDDYS ang FDCP. Sa lahat po ng mga pinakamahalagang yugto sa buhay ng FDCP, kasama po namin ang mga kapatid natin sa press. Naging kabahagi po kayo nang lahat ng tagumpay at pagsubok sa pagtataguyod ng ating cinema at ng industriya.

“On the occasion of its 4th year, the EDDYS continues its commitment to shine a light on the most brilliant spots of our newsworthy industry,” dagdag pa niya.

Tulad ng mga nakaraang taon, si Juancho Robles, managing partner ng Chan Robles & Company, CPAs, ang tatayong auditor ng 4th EDDYS.

Major sponsors naman ang Toktok courier service/delivery app at Beautederm Corporation. Ang iba pang katuwang ng SPEEd sa pagdaraos ng 2021 Entertainment Editors’ Choice ay ang mga sumusunod: House Speaker Lord Allan Velasco, Rep. Alfred Vargas, Rep. Niña Taduran (ng Patrylist na ACT-CIS), Willie Revillame, Raffy Tulfo, Tiger Crackers, Smart Shot, San Miguel Corp., Aficionado of Joel Cruz at Maris Pure Corp.

Ang 4th The EDDYS ay mapapanood sa April 4, 8 p.m., sa FDCP Channel (sa ilalim ng EVENTS tab), SPEEd Facebook page at iba pang digital platforms.

Mag-register lang sa FDCP Channel para sa libreng access.

Read more...