Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
4:15 p.m. Talk ‘N Text vs Global Port
6:30 p.m. Barangay
Ginebra vs Alaska
WINAKASAN ng Rain or Shine Elasto Painters ang dalawang sunod na pagkatalo matapos tambakan ang Air21 Express, 109-95, sa kanilang 2013 PBA Governors’ Cup kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Si Arizona Reid ay gumawa ng 39 puntos para pangunahan ang Elasto Painters. Nag-ambag si Paul Lee ng 19 puntos habang si Ryan Araña ay may 14 puntos para suportahan si Reid.
Pinamunuan ni Niño Canaleta ang Express sa kinamadang 25 puntos. Nagdagdag naman si Mike Cortez ng 21 puntos habang si Zach Graham ay nakagawa lamang ng 18 puntos para sa Air21.
Umangat naman ang Rain or Shine sa 3-2 kartada habang nahulog ang Air21 sa 1-4. Samantala, pipilitin ng Talk ‘N Text na wakasan ang two-game losing skid nito sa sagupaan nila ng Global Port sa kanilang laro mamayang alas-4:15 ng hapon sa SM Mall of Asia Arena
Puntirya naman ng Alaska Milk ang ikalawang sunod na panalo kontra Barangay Ginebra San Miguel sa alas-6:30 ng gabi na main game.
Matapos talunin ang Barako Bull sa overtime, 118-113, ang Tropang Texters ay nakalasap ng back-to-back na kabiguan buhat sa San Mig Coffee (118-99) at Meralco (92-86).
Nagbalik sa active duty para sa Talk ‘N Text ang tatlong Gilas Pilipinas members noong Biyernes kontra Bolts. Si Jason Castro ay gumawa ng 18 puntos, si Larry Fonacier ay nagdagdag ng 11 puntos samantalang si Ranidel De Ocampo ay nalimita sa dalawang puntos.
Kontra Bolts ang Talk ‘N Text ay pinamunuan ni Tony Mitchell na nagtala ng 32 puntos, 11 rebounds, 2 assists at 2 steals.
Makakatunggali ni Mitchell si Markeith Cummings na susuportahan nina Gary David, Willie Miller, Solomon Mercado at Jay Washington.
Ang Global Port ay may 2-1 record at nagwagi kontra Air21 (101-94) at Alaska Milk (91-88). Matapos namang matalo sa Batang Pier, nakabawi ang Alaska Milk sa pamamagitan ng 94-79 tagumpay laban sa defending champion Rain or Shine.
Ang Aces ay sumasandig sa import na si Wendell McKiness na sinusuportahan nina Cyrus Baguio, JVee Casio, Sonny Thoss, Dondon Hontiveros at Calvin Abueva.
Kulang naman sa consistency ang Gin Kings na ngayon ay hawak ni interim head coach Renato Agustin. Sila ay may 1-2 record at galing sa 104-91 pagkatalo sa Barako Bull noong Biyernes.