Nais ni Senator Sherwin Gatchalian na magtuloy-tuloy ang pagbibigay ng psychosocial support sa mga mag-aaral mula kindergarten hanggang Grade 12.
Kasabay ito nang ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na tumaas ng 25.7 porsiyento noong nakaraang taon ang suicide related deaths kumpara noong 2019.
Base sa naturang datos noong nakaraang taon, ang mga kaso ng intentional self-harm ay lumubo sa 3,529 mula sa 2,808 noong 2019.
Bukod dito, ang mga tawag sa National Center for Mental Health (NCMH) ay tumaas din sa higit 900 tawag kada buwan mula March hanggang May 2020 mula sa bilang na 400 noong May 2019 hanggang February 2020.
Samantala, 53 naman ang average calls related to suicide noong nakaraang taon
Diin ni Gatchalian, apektado ang mga estudyante dahil hindi sila nakakapag-aral sa eskuwelahan at mistulang nakakulong sa kanilang bahay.
Sabi pa niya nagkakaroon na rin ng anxiety at sleep problems ang mga bata dahil sa madalas na paggamit ng gadgets, wala sa oras na pagkain at bawas na physical activity.
“Dapat nating bigyan ng prayoridad ang kapakanan at mental health ng mga kabataan, lalo na’t isang taon na nilang hindi nakakasalamuha nang personal ang kanilang mga guro at kamag-aral,” sabi ni Gatchalian, na namumuno sa Senate Committee on Basic Education.