Andrea nanghinayang na hindi inimbita si Seth sa burol ng kanyang lolo | Bandera

Andrea nanghinayang na hindi inimbita si Seth sa burol ng kanyang lolo

Reggee Bonoan | March 19,2021 - 04:01 PM

MAGKARELASYON na ba sina Seth Fedelin at Andrea Brillantes?

“Gusto ko lang din sabihin sa ‘yo Ali, 18 ka na, enjoy mo lang ‘yung buhay mo at sana marating mo pa ‘yung pangarap mo. Mag-a-I love you sana ako,” mensahe ni Seth kay Andrea sa exclusive photo shoot ng Metro Style Magazine ng aktres para sa kanyang 18th birthday.

Ang Ali na sinabi ni Seth ay ang term of endearment nila ni Andrea o pinaikling “Akin Lamang Ikaw.”

Nitong March 12 ang kaarawan ni Andrea pero walang debut party na naganap dahil sa pandemya kaya idinaan na lamang ito sa espesyal photo shoot na ginanap sa Palacio de Memoria Paranaque City kung saan dinisenyuhan na kunwari ay may malaking pagtitipon at si Seth ang escort ng dalaga sa buong gabi.

Base sa panayam kay Andrea, “Sa totoo lang, sobrang happy ko and grateful ako sa shoot na ito kasi wala akong talagang debut pero naramdaman ko dito ‘yung pagiging isang debutante, so kinikilig ako.”

Oo nga, kitang-kita ang kilig ni Andrea base sa mga larawan lalo’t kasama niya si Seth. May kuhang sumasayaw sina Seth at Andrea na gustung-gusto pala ng debutante.

“Gusto ko ‘yung sumasayaw kami ni Seth kasi sobrang memorable para sa’kin kasi never talaga ako nagkaroon ng sayaw with anyone, so thank you sa kanya. Sabi ko, wala akong debut, so, gawin mo talagang escort kita ngayon ha. Feel na feel ko ‘yung layout na ‘yun. Ang saya!” sabi ni Andrea.

At sa mismong kaarawan ng dalagita ay nag-post ng larawan nila si Seth sa kanyang IG account na ang caption ay, “Happy 18th to my Ali, @blythe! Wish you the grandest day yet because you deserve the world and more.”

Umabot sa 270k ang nagkagusto sa post ng batang aktor at mahigit 1k naman ang bumati at kinilig sa mensahe ng binatilyo.

At sa panayam ng nasabing glossy magazine kay Seth ay pinayuhan niya ang dalaga at sinabi nito na lagi lang siyang nasa tabi nito.

“Grabe itong photo shoot mo Ali, ha. Nakita ko ‘yung tema, pang-dalagang pang-dalaga na ‘yung photo shoot mo. Naku, Ali, 18 ka na! Sana ‘wag ka pasaway. Joke lang!” mensahe pa ng binata kay Andrea.

At ang mga katangiang gusto ng batang aktor sa kanyang Ali ay, “Ano’ng gusto ko kay Blythe o kay Ali? Gusto ko ‘yung pagiging mabait n’ya. Mabait s’ya hindi lang sa ‘kin, sa pamilya n’ya pati sa ibang tao. Tapos ‘yung pagiging malambing n’ya.

“Tapos ‘yung inspirasyon n’ya, paano n’ya pinapahalagahan ‘yung isang bagay. May isa kasi s’yang goal eh. Kung ano ‘yung goal n’ya ngayong edad n’ya, du’n s’ya naka-focus.

“So, ‘yun ‘yung gusto ko sa kanya. Alam n’ya kung saan s’ya papunta. Gumagawa s’ya ng sarili n’yang daan. Hindi s’ya nalilihis ng daan. At maka-Diyos si Ali. Kahit sobrang kulit n’ya, talagang batang-bata, ‘di mo makikita, lalo na ‘pag ‘di mo s’ya kilala, mayroon pala s’yang side na ganito.

“18 ka na, ako magna-19, asahan mo andito pa rin ako, iga-guide kita, magtulungan tayo. ‘Yun lang. God bless. Sana matupad mo lahat ang dreams mo. At sana Ali, ako ‘yung kasama mo ‘pag natupad mo na lahat ng dreams mo. Gusto kong maging saksi du’n,” dagdag pa ng young actor.

Ayon naman kay Andrea ay pinagsisihan niyang hindi niya naipakilala si Seth sa Lolo Daddy Jun niyang pumanaw noong 2019.

“Siguro ang pinaka-regret ko lang, sa totoo lang, hindi ko napakilala si Seth sa lolo ko. Hindi niya inabutan ‘yung lolo ko. Feeling ko magugustuhan ng lolo ko si Seth.

“Sinabi ko kay Seth, sa totoo lang, kahit gaano kagulo ‘yung buhay ko, ‘yun ‘yung pinakapinagsisisihan ko. Hindi kita naipakilala. Nu’ng burol ng lolo ko, lagi niya akong tsine-check kung kamusta ako, ganyan.

“Siya ‘yung nagtsi-cheer up sa akin, tapos ‘yung lola ko sinasabi na i-invite ko si Seth. Ako nahihiya. Pero ngayon na close na kami, nu’ng kinuwento ko sa kanya na ‘alam mo ba dapat i-invite kita?

“Sabi niya, ‘Sana in-invite mo ako.’ Ngayon, du’n ako nagsisisi, na oo nga, sana in-invite ko siya. Sana man lang nakita niya, kahit na nasa casket na ‘yung lolo ko.

“Si Daddy Jun ‘yung greatest man na naibigay sa akin ni Lord sa buhay ko. Ang lolo ko ang pinaka the best para sa akin. Sobrang simple niya, nakakatawa siya. Hindi s’ya maarte. Siya ‘yung naging parang partner in crime ko.

“Siya ang naging parang daddy ko. So nu’ng nakilala ko si Seth, sa totoo lang, sa tingin ko lang, nu’ng nawala si Daddy Jun, dumating si Seth sa akin. Hindi rin maarte si Seth, tapos simple siya, nakakatawa siya.

“Si Seth ang nagturo sa akin na makisama sa mga tao kasi dati hindi ako sumasama sa mga tao. As in may shield ako. Pinoprotektahan ko ang sarili ko na nami-misunderstood ako before na suplada, hindi nila alam na pinoprotektahan ko lang ‘yung sarili ko.

“Pero nu’ng dumating siya, na-keep ko ‘yung shield ko sa sarili ko pero it’s not as thick as before. Ngayon, mas naging magaan ako, tapos mas ginawa niya akong mabait na tao,” sabi pa ng dalaga.

Inamin na rin ng aktres na spoiled siya kay Seth at puwede siyang maging baby nito.

“Comfortable ako sa kanya. ‘Pag nasa kanya ako, p’wede ako magpa-baby kasi nararamdaman ko sa kanya na aalagaan niya ako tulad ng pag-aalaga sa akin ng lolo ko, na spoiled ako sa lolo ko.

“So, sabi ko sayang hindi mo nakasama si Daddy Jun, kasi gusto siya ng lola ko eh. Kahit ‘yung mismong lola ko sinasabi sa kanya na kung na-meet mo si Daddy Jun, siguro magkakasundo kayo. Bubbly siya, funny siya, pero malalim siya na tao.”

Sa ginanap na virtual mediacon ng “Huwag Kang Mangamba” kung saan bida ang dalawa kasama sina Kyle Echarri at Francine Diaz ay napansin naming iba na ang mga sagot nila na hindi usual loveteam lang dahil may “something” na pala sila.

Kailan naman kaya sila aamin nang pormal?