Never naman akong iniwan ng Diyos, ako ang nang-iwan sa Kanya…

“SUPERWOMAN”. Ganyan kung ilarawan ng kanyang mga kapamilya, kaibigan at katrabaho ang award-winning actress na si Sylvia Sanchez.

Sa kabila kasi sunud-sunod at matitinding pagsubok na dumating sa buhay niya at ng kanyang pamilya ay nananatiling matatag at matapang si Ibyang.

Sa nakaraang digital presscon ng bagong inspirational drama series ng ABS-CBN, ang “Huwag Kang Mangamba”, binalikan ng aktres ang naging laban nila ng asawang si Art Atayde kontra COVID-19.

Isa lamang si Sylvia sa mga artistang unang tinamaan ng killer virus last year at talagang isa raw ito sa pinakamatinding hamon na hinarap nilang mag-asawa sa buong buhay nila.

“Actually, sa totoo lang, kahit nangyari sa amin yung nagka-COVID kaming mag-asawa. March 16 si Art nagkaroon tapos nadiscover namin na nahawa ako nu’ng March 21.

“Honestly, wala akong kuwestiyon sa Diyos kung bakit nangyari sa akin yun. Wala akong pain or sakit kung bakit nangyari sa amin yun kasi ang kapalit nu’n mas naging close ang buong pamilya,” simulang pagbabahagi ng nanay nina Arjo at Ria Atayde.

Patuloy pa niya, “May magandang kapalit yun. Nagkaroon ako ng takot yes para sa mga anak ko, kay Chubby and kay Gela, kay Arjo, kay Ria na mahawa lalo na yung bunso. Kasi at that time walang puwedeng sumama na hindi COVID positive sa loob ng hospital.

“Natakot ako para sa bunso talaga. Sumatutal walang negative kahit ano na nangyari sa buhay ko last year kasi ang kapalit nun blessings,” dugtong pa ng premyadong aktres.

“Ang dami-daming nangyaring magaganda sa buhay ko after nun so papaano ko kukuwestiyunan yung isang beses na nagka-COVID kami, thank God nalagpasan namin, kumpara doon sa binigay niya after?

“Sabi ko nga, lahat tayo, karamihan sa atin may kuwestiyon bakit Lord. Pero darating yung time na yung mga katanungan natin masasagot din yan later on,” lahad pa niya.

Muli, nagpasalamat ang Kapamilya actress sa lahat ng mga nagdasal para sa kanila ng asawa pati na rin sa kanyang pamilya, “Nu’ng time na nagka-COVID ako ang dami-daming nagdarasal tapos nagulat ko yung iba hindi ko kilala, nagte-text. Di ba, blessing yun?

“Never naman ako iniwan ng Diyos. Ako ang nang-iwan sa Diyos. Tineyk for granted ko siya. Maraming beses. Pero tuloy-tuloy niya akong niyayakap. Never naman tayo iniwan ng Diyos. Hinihintay lang niya tayo na tawagin siya at iinvite siya ulit sa ating buhay,” mensahe pa ni Sylvia Sanchez.

Bukod kay Ibyang, makakasama rin sa “Huwag Kang Mangamba” ang The Gold Squad na sina Andrea Brillantes, Seth Fedelin, Kyle Echarri at Francine Diaz, Nonie Buencamino, Mylene Dizon, RK Bagatsing, Dominic Ochoa, Diether Ocampo, Enchong Dee, Angeline Quinto, Matet De Leon, Soliman Cruz, Mercedes Cabral, Paolo Gumabao at Alyanna Angeles.

Ang serye ay mula sa direksyon nina Emmanuel Palo, Jerry Lopez Sineneng at Darnel Villaflor. Una itong mapapanood ngayong Marso 20 sa iWantTFC app at website, at sa Marso 22 naman, 8:40 p.m. pagkatapos ng “FPJ’s Ang Probinsyano” sa A2Z channel sa free TV at sa digital TV boxes gaya ng ABS-CBN TVplus.

Read more...