Mark Anthony fresh na uli; walang tigil sa pagwo-workout mula nang makalaya

SA ginanap na virtual mediacon para sa pelikulang “Biyernes Santo” ay napansin ng entertainment press na maganda ang pangangatawan ngayon ni Mark Anthony Fernandez.

Bukod dito, fresh din ang aura niya ngayon at natuwa naman ang aktor sa papuri sa kanya sabay kuwento na sadyang kinakarir niya ang pag-e-exercise araw-araw.

May pagmamalaking sinabi ni Mark na malaki na ang nabawas sa timbang niya.

“Forty pounds na (ang nabawas). Tapos mag-e-800 days na akong nagwo-work out dire-diretso mula nang nakalaya ako.

“Kasi umabot sa punto na ayaw akong pag-ensayuhin (sa kulungan).

“Actually, pwede ko nga silang idemanda ng ganu’n, e, na ayaw nila akong pag-workout-in sa loob ng kulungan nu’ng time na ’yon pero hindi ko ginawa kasi mababait naman ’yong ibang tao doon.

“Mag-e-800 days na akong nagwo-work out. Simula nu’ng nakalaya ako. Natitigil lang pag may trabaho. So, sa awa nama ng Diyos,” kuwento ng aktor.

Aware si Mark na kapag artista ay obligasyon nitong pangalagaan ang saraili at dapat laging maganda sa paningin ng lahat.

“Kasi ako talaga bilang artista, pakiramdam ko wala akong dating kapag hindi proper ’yung weight ko. So, ito kahit paano, alam mo ’yon?

“Umabot pa sa punto na kailangan ko pang ipagdasal ’yong weight ko, ‘Lord, ibalik ninyo ’yong figure ko.’ Ganyan-ganyan, buti na lang na answered prayer. Salamat kay God,” sabi pa ng aktor.

Matatandaang tumaba nang husto si Mark noong nakulong siya sa Pampanga Provincial Jail nang mahulian ng marijuana sa loob ng kotse niya noong Oktubre, 2016 at nakalaya siya noong Disyembre, 2017.

Dismiss naman ang kasong illegal drugs possession pero hindi siya nakalusot sa Article 151 ng Revised Penal Code o ’yung naging hindi magandang asal na ipinakita niya sa checkpoint noong hinuli siya dahil imbes na huminto ay nakipaghabulan siya o tinakasan ang mga pulis.

Good boy na ngayon si Mark at pinagbubuti niya ang career niya at pati ang karakter niya sa “Biyernes Santo” ay mabait din bilang si Angel Michael na ang misyon ay lipulin ang mga anti-Christ, pero sabi ng co-star niyang si Gardo Versoza siya ang magpapalabas ng “dark side” ng character niyang “busilak ang kalooban.”

Mapapanood na ang “Biyernes Santo” sa Marso 26 sa premiere streaming app na Vivamax at bukod kina Mark at Gardo ay kasama rin sina Andrea del Rosario, Via Ortega, at Ella Cruz mula sa direksyon ni Pedring Lopez.

Available ang Vivamax online sa web.vivamax.net, o i-download ang app sa Google Play Store. Makaka-avail din ng Vivamax vouchers through Shopee and Lazada.

Read more...