ISA si Gardo Versoza sa mga artistang hindi talaga nawalan ng trabaho at mga karaketan kahit na may pandemya.
Sunud-sunod ang mga proyekto ng aktor mula pa noong nakaraang taon, hanggang ngayon. Bukod sa mga programa niya sa telebisyon, meron din siyang mga ginagawang pelikula.
Matapos ang ilang teleserye na ginawa niya sa ABS-CBN last year, mapapanood na uli si Gardo sa GMA. Kasama siya sa trending at top rating Kapuso series ngayon na “First Yaya”.
May bago rin siyang pelikula ngayon sa Viva Films, ang horror-drama na “Biyernes Santo” na mapapanood sa VivaMax simula March 26 sa direksyon ni Pedring Lopez.
Sa ginanap na virtual mediacon ng pelikula kahapon, maraming rebelasyon si Gardo tungkol sa ilang aspeto ng kanyang buhay, kabilang na nga riyan ang kanyang “bad side”.
Kilala na rin ngayon ang aktor bilang TikToker dahil sa mga viral video niya na sumasayaw habang nakasuot ng high heels. Kaya naman tinatawag siya ngayon bilang pampa-good vibes sa gitna ng pandemya.
Ngunit inamin nga niya na may “bad side” din siya, lalo na kapag napag-uusapan na ang tungkol sa politika pero aniya nakokontrol naman niya ito.
Sa presscon nga ng “Biyernes Santo” natanong kung ano ang kanyang “bad side” na gusto niyang baguhin, “Alam n’yo yung mga bad side masarap siya kapag ginagawa sa roles, yun ang thankful ako.
“So, like yung real life, mahirap gawin yung mga dark side natin, mahirap ilabas.
“Unlike sa roles, du’n mo naibubuhos lahat, kung ano yung mga hindi mo nagagawa sa totoong buhay. Du’n mo siya nari-release, yun ang masarap.
“Meron din, marami ring bad side, lalo na yung regarding sa politika. Kaya lang, mahirap, e, baka mailigpit ako bukas!” ang natatawang sabi ni Gardo.
Samantala, dahil horror nga at may konek sa mga kaluluwang ligaw at multo ang kuwento ng “Biyernes Santo” natanong din ang cast members kung sino sa mga yumao nang personalidad ang nais nilang makausap mula sa kabilang buhay.
Sagot ni Gardo, gusto niyang makausap ang ina at ang flight stewardess na si Christine Dacera na hanggang ngayon ay palaisipan pa rin ang pagkamatay.
“Gusto ko sanang makausap yung nanay ko. Sasabihin ko sa kanya na nami-miss ko na siya, and itatanong ko kung kumusta ba ang mga kaganapan sa kabilang-buhay.
“Kung totoo bang may heaven, may hell. Kung ano yung mga hindi naeesplika dito sa atin, kumbaga, mabigyan ng linaw kapag tinanong ko sa kanya,” sagot ng aktor.
Aniya pa, “Tsaka, pwede bang tanungin yung flight attendant kung sino yung nasa kabilang kuwarto? Kasi laging yung isang kuwarto lang ang nababanggit.
“Kung saka-sakali, yun sana ang gusto kong tanungin, kung sino yung laman ng kabilang kuwarto, curious lang ako,” dagdag ni Gardo.
* * *
Sa araw na patay ang Diyos, kanino ka nga ba magdarasal?
Ngayong Semana Santa, ipalalabas ng Vivamax ang kakaibang horror movie na “Biyernes Santo”.
Mula sa direktor ng “Maria” na si Pedring Lopez, ito’y pinagbibidahan ni 2019 Cinemalaya Best Supporting Atress Ella Cruz, kasama sina Gardo Versoza, Mark Anthony Fernandez at Andrea Del Rosario, at ipinakikilala si Via Ortega.
Ang “Biyernes Santo” ay tungkol kay Roy Asuncion (Gardo), isang dating senador na dinala ang kanyang traumatized na anak na si Aurora (Via) sa isang rest house sa probinsya para sa Semana Santa.
Ito ay isang taon pagkalipas ng karumal-dumal na pagkamatay ng kanyang asawa dahil sa isang supernatural attack.
Hiningi niya ang tulong ng kanyang malayong kamag-anak na si Grace (Ella), na isa ring espiritista upang protektahan si Aurora mula sa masasamang espiritu na umaaligid sa kanilang pamilya tuwing Semana Santa.
Sa pagsisimula ng Semana Santa ay nagkulong na sina Roy, Aurora at Grace sa rest house na sadyang inihanda para protektahan sila sa masasamang espiritu.
Mas tumindi ang atake ng masasamang espiritu pagdating ng Biyernes Santo – ang araw ng pagkamatay ni Hesus. Gagawin ni Roy at Grace ang lahat upang maprotektahan si Aurora. Ngunit madidiskubre ni Grace ang tinatagong sikreto ni Roy, at huli na ang lahat para makalabas siya ng rest house at makatakas mula sa masasamang espiritu.
Mapapanood ang “Biyernes Santo” sa VIVAMAX ngayong Marso 26. Available ang VIVAMAX online sa web.vivamax.net, o i-download ang app sa Google Play Store.