USAP-USAPAN ngayon sa social media ang ipinalabas na teaser para sa upcoming GMA Afternoon Prime series na “Nagbabagang Luha.”
Bibida rito ang Kapuso stars na sina Glaiza de Castro at Claire Castro na magpapalitan ng mabibigat na linyahan at mga kabugang confrontation scene na siguradong tatatak sa manonood.
Nagmarka agad sa netizens ang dialogue ni Glaiza sa teaser ng serye na, “ipalilibing kita” na para sa role na ipo-portray ni Claire.
Gagampanan ni Glaiza ang karakter ni Maita sa GMA adaptation ng classic ’80s movie na “Nagbabagang Luha” na ibinase naman sa comic novel ni Elena Patron noong 1988. Pinagbidahan ito nina Lorna Tolentino at Alice Dixson.
Sabi ng mga nakapanood ng maikling trailer, damang-dama raw nila ang galit at emosyon sa mga mata ni Glaiza.
Ayon pa sa isang netizen, nakita raw muli nila kay Glaiza ang nakakatakot na itsura ni Pirena, ang iconic role naman iya sa telefantasya ng GMA ng “Encantadia.”
Makakasama rin nina Glaiza at Claire sa TV version ng “Nagbabagang Luha” sina Rayver Cruz, Mike Tan, Gina Alajar, Alan Paule, Archi Adamos, Myrtle Sarrosa, Royce Cabrera, Ralph Noriega, Karenina Haniel, Bryan Benedict at Jaclyn Jose sa isang espesyal na pagganap.
Ang seryeng ito ay sa direksyon ni Ricky Davao.
Abangan ang nalalapit na pagsisimula ng pinakabagong programa na kahuhumalingan tuwing hapon, ang “Nagbabagang Luha” sa GMA.
* * *
Malayo na nga ang narating ng “The Lost Recipe” star na si Kelvin Miranda. Mula sa roles niyang pangraket lang noon, ngayon ay humahakot na rin siya ng awards.
Ilan sa mga parangal na natanggap niya ay ang Best Young Actor trophy mula sa 7th Urduja Heritage Film Awards para sa role niya sa Netflix film na “Deadkids.” Nanalo rin siya as Best Actor para sa nasabing pelikula mula sa same award giving body.
Recently ay pinarangalan din siya ng 4th Asia Pacific Luminare Awards bilang “Philippines’ Fast Emerging Actor of the Millenium.”
“Hindi ko tinitingnan na sobrang mahalaga ang recognition, pero naa-appreciate ko ‘yun. Sobrang saya ko, pero resulta lang naman ang recognition ng pagtatanim mo nang nakayuko.
“Kumbaga, pagpupursige, pagsusumikap sa mga bagay na gusto mong gawin,” ani Kelvin sa interview ng GMA.
Ginagampanan niya ngayon ang karakter ni Chef Harvey Napoleon sa trending romance-fantasy series ng GTV na “The Lost Recipe.”
Sa lahat ng pinagdaanan niya, ang mapapayo ni Kelvin sa mga umaasam ng ganitong career ay sundin lamang ang nilalaman ng puso, just follow your heart.