Mantra ng Miss Grand International pageant ang “Stop the War!” ito rin ang iminumungkahi ng bantog na pageant mentor na si Rodgil Flores sa mga Pilipinong sumusuporta sa alaga niyang si Samantha Bernardo na kinatawan ng Pilipinas sa kasalukuyang edisyon ng pandaigdigang patimpalak.
“Let us all live in peace,” sinabi ni Flores sa Inquirer sa isang eksklusibong panayam sa beauty pageant training camp niya sa Quezon City kamakailan.
Katulad kasi ng sa mga nagdaang pageant, mapa-national man o international, masigasig ang napakaraming tagahanang Pilipino sa pagbatikos sa mga kalaban at mga tagasuporta ng mga ito. Kaya umapela si Flores sa kanila: “Peace-peace situation lang tayo.”
Mula Mutya ng Palawan, dinala ni Flores si Bernardo sa pambansang entablado, at dalawang magkasunod na taon siyang hinirang bilang Binibining Pilipinas second runner-up, noong 2018 at 2019.
Muli siyang sumali sa edisyon ng 2020, ngunit naunsyami ang patimpalk dahil sa pandemya.
Ipinagpatuloy ng Bb. Pilipinas Charities Inc. (BPCI) ang patimpalak sa pagbubukas ng taon, at itinakda ang coronation sa Abril. Ngunit hinayag din ng Miss Grand International ang pagdaraos ng patimpalak nito sa Marso.
Pinag-isipan ng BPCI na ipadala si Aya Abseamis, ang 2019 first runner-up na pumalit kay Samantha Lo bilang Bb. Pilipinas Grand International. Subalit lagpas na siya sa takdang gulang para sa pandaigdignag patimpalak, kaya naitalaga si Bernardo bilang kinatawan ng Pilipinas.
Ayon kay Flores, nakikita ni Bernardo ang mga pangyayari bilang daloy ng tadhana. Magiging 29 taong gulang na siya sa Oktubre, lagpas na sa pinahihintulutan ng karamihan sa mga pandaigdigang patimpalak, kaya itinuturing na rin niya ito bilang angkop na huling hirit.
Kailangang magmadali, kagyat na nagpatawang ng pulong si Flores kasama si Bernardo at ilang mga eksperto upang makapagplano nang maayos na istratehiya.
“I was so organized. Unlike before, I really set a time frame, and I made sure to accomplish everything we needed to accomplish within the given time period,” ani Flores sa Inquirer.
Hinulma niya ang paghahasa kay Bernardo sa mga nauna niyang alaga, sina 2015 Miss Grand International fourth runner-up Parul Shah, at 2017 Miss Grand International second runner-up Elizabeth Clenci.
“[Clenci] is a performer, and both she and Parul are athletic. I see them both in Sam, she’s also an athlete and a performer, being both a gymnast and a dancer,” ani Flores.
Nagbahagi na rin ng payo kay Bernardo si 2016 Miss Grand International first runner-up Nicole Cordoves, ang Pilipinang pinakamataas ang narating sa naturang patimpalak.
Naniniwala si Flores na dahil sa lahat ng nangyari, nakatadhana nang makuha ng Pilipinas ang korona ng Miss Grand International. Sinabi umano ni Bernardo sa kanya: “Kung hindi ngayon, kalian? Kung hindi ako, sino?”
Palaban at pursigido pa rin si Bernardo, ngunit mas mahinahon na ito sa ngayon, hindi katulad noong Bb. Pilipinas na “always overthinking” siya, ani Flores.
Sinabi ng organizers ng 2020 pa rin ang edisyong isinasagawa sa Thailand ngayon, at idaraos and edisyon para sa 2021 bago magtapos ang taon.
Itatanghal ang 2020 Miss Grand International coronation night sa Show DC sa Bangkok sa Marso 27.