Clash 3 champ Jessica biktima rin ng pambu-bully: Sabi ko, ‘Lord, ganu’n ba talaga ako kapangit?’

MATINDING pambu-bully at panglalait din ang inabot ng “The Clash Season 3” winner na si Jessica Villarubin nang dahil sa kanyang itsura.

Kuwento ng Kapuso champion, bata pa lang ay biktima na siya ng pang-ookray ng kanyang kapwa na talagang nagpapababa ng level ng kanyang confidence.

“As in growing up nabu-bully na talaga ako. Parang pangit nga, pango ‘yung ilong ko, ganu’n. Maganda lang ‘yung boses pero ‘di naman ako maganda.

“Actually, marami na po, pati sa work ko. Madami, parang kahit saan ako magpunta, parang sinusundan ako ng ganu’n,” paliwanag ni Jessica.

“Nu’ng nag-apply ako ng work tapos sabi nu’ng isang boss na, ‘Tatanggapin n’yo ba ‘yan? Kasi kapag tinanggap n’yo ‘yan, mahihiya akong mag-perform sa stage.’ Kapag sinasabihan ka na ng ganu’n, di ba?

“Kaya nasasabi ko sa sarili ko, ‘Lord, ganu’n ba talaga ako kapangit? Ganu’n ba talaga?’ Alam mo ‘yun pero nagpapasalamat din talaga ako na may talent ako. Ganu’n ‘yung dyino-joke ko eh, ‘Okay lang hindi maganda, may talent naman.’

“Ina-appreciate ko na lang ‘yung self ko kasi wala namang ibang magmamahal sa sarili mo kundi ikaw lang ho, ‘di ba?” aniya pa.

Nang sumali siya sa “The Clash Season 3″ may mga nanglait pa rin sa kanya at inasahan na raw niya yun ngunit marami rin naman ang sumuporta nang dahil sa kanyang talento at hindi dahil sa itsura niya.

“Masaya ako na parang maraming tumatanggap sa akin, na parang ngayon ko lang na-realize na parang, hala hindi ko in-expect na ang dami palang taong sumusuporta sa akin. Hindi lang talaga natin maiiwasan ‘yung may mang-bash. Nag-focus ako sa mga tao talagang nagmamahal sa akin, sumusuporta sa akin at naniniwala po sa akin,” pahayag ni Jessica.

Samantala, tungkol naman sa pagpapa-enhance ng kanyang itsura, “Ni-ready ko naman ‘yung self ko before ko ‘to gawin sa sarili ko. Kasi naman lahat naman ng tao may opinyon, like may masasabi sila.

“Yun, ‘yung iba magiging masaya, ‘yung iba parang hindi. Iniisip ko rin talaga naman ‘yung sarili ko, kung saan ako masaya, at saka ‘yung mga taong sumusuporta sa akin, ‘yung family ko. Super supportive po sila sa journey kong ito.

“Parang hindi naman talaga mawawala ‘yung pamba-bash, parang nandu’n naman talaga siya. Pero ‘yung sa akin lang talaga, focus lang talaga ako sa mga taong nagmamahal sa akin at sumusuporta sa akin at naniniwala sa akin,” paliwanag pa niya.

Pag-amin pa niya, “Siyempre nasasaktan ako kapag bina-bash ako. Siyempre nandu’n naman ‘yun, hindi naman maiwasan na masaktan tayo ‘no, pero palagi kong nire-remind ‘yung self ko na mas kilala ko ‘yung sarili ko eh. Mas nagpo-focus ako sa mga taong nagmamahal sa akin, ‘yung family ko.”

Ito naman ang message niya sa kanyang mga haters, “Ang masasabi ko sa bashers ko, nagpapasalamat ako sa kanila dahil kung hindi po dahil sa kanila, hindi po ako magiging strong.

“Kung saan man ako ngayon, parang sila ‘yung rason na parang gusto ko pang mag-strive. Parang gusto ko pang ipakita na hindi ako ganyan. Ganun kasi ako eh, hindi ako pumapatol sa bashers talaga. Parang gusto ko lang ipakita sa inyo na hindi n’yo ko dapat i-judge lang sa panlabas o ano man.

“Dapat kilalanin nila ‘yung tao din, kung sino sila, saan sila nanggaling, ano ‘yung pinagdadaanan nila. Kasi minsan kasi ‘yung tao may sinasabi lang na parang, ‘Ah, ‘di naman ‘yan maganda,’ mga ganu’n. Pero di naman talaga nila alam kung sino ka, nangdya-judge lang sila,” aniya pa.

Read more...