Ion may kailangang isakripisyo para hindi sila tamaan ni Vice ng COVID-19

SA gitna ng muling pagtaas ng bilang ng tinatamaan ng COVID-19 sa bansa, nagdesisyon si Ion Perez na isakripisyo muna ang isa sa mga nakasanayan na niyang gawin sa buhay.

Ito ang ibinalita ng kanyang partner na si Vice Ganda sa nakaraang episode ng “It’s Showtime” sa ABS-CBN matapos mabalitang patuloy na tumataas ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Pilipinas.

Ayon sa TV host-comedian, tumigil muna sa pagpunta sa gym si Ion para masigurong hindi ito mahahawa ng killer virus. Matagal nang nagsasama sa isang bahay ang celebrity couple kaya delikado kapag nagkasakit ang isa sa kanila.

Ginawa nj Ion ang nasabing desisyon matapos ipag-utos ng Quezon City government ang muling pagpapasara sa mga gym dahil nga sa nakaaalarmang pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases.

Bukod dito, muling ipinatupad sa buong Quezon City ang liquor ban at suspendido rin ang operasyon ng mga internet shop, spa at mga swimming pool.

Sabi pa ni Vice Ganda, ginawa ito ng kanyang boyfriend para na rin mapangalagaan ang kanyang kaligtasan.

“Sarap sa bahay, di ba?” ang hirit ni Vice kay Ion sa nakaraang episode ng “Showtime” na sinang-ayunan naman ng actor-model.

“Iyon ang isa-sacrifice niya. Sabi niya, isa-sacrifice ko muna ang gym for you. For my safety,” sabi pa ng komedyante.

Dito, muling pinaalalahanan ni Vice ang madlang pipol na sundin ang lahat ng safety at health protocols. Diin pa niya, walang exempted sa mga ipinatutupad na health measures ng pamahalaan.

“Let’s practice safety measures and follow protocols po. Puro chika nang chika e. Ayan tuloy. Hindi siya (virus) namimili ng posisyon sa buhay,” pahayag pa ng Phenomenal Box-office Star.

Nauna rito, sinabihan na ni Vice ang publiko na huwag pa ring magpakakampante sa paglaban sa COVID, “Safety dapat ang priority. Totoo ‘yan. Marami man tayong gagawin pero dapat on top of those, safety lagi. Kung hindi safe, kahit gusto natin huwag na.

“Kung hindi safe para sa mga mahal natin sa buhay, huwag muna nating ituloy. Kung gusto nating ituloy, let’s make sure na safe ang lahat.

“Pinakamahalaga ang buhay, pinakamahalaga ang buhay mo at ang buhay ng mahal mo, kaya pangalagaan natin ‘yan.

“Kung hindi mo inaalagaan ang buhay mo ay hindi mo rin inaalagaan ang buhay ng mahal mo lalo na at kasama mo siya sa bahay,” aniya.

“Kaya please stay safe at kung maari ay stay at home. Pero siyempre marami kayong dapat gawin at kailangang gawin sa labas. Gawin niyo ‘yan basta please safe po nating gawin.

“Be careful. Huwag po nating kakalimutan ang mask, ‘yun ang protection nating lahat, mask, face shield at social distancing,” pahayag pa ng TV host-comedian.

Read more...