PBB big winner Liofer may napili nang aktor kapag itinampok ang life story sa MMK

PAGKATAPOS magwagi bilang Big Winner sa ginanap na “PBB: Connect Big Night” nitong nagdaang Linggo, siguradong pinaplano na ng ABS-CBN ang pagsasadula ng life story ni Liofer Pinatacan sa “Maalaala Mo Kaya.”

Tulad ng ilang dating winner at housemates sa “PBB” inaasahan na rin ng madlang pipol na ibabahagi rin ng “MMK” ang inspiring na kuwento ng buhay ni Liofer.

Sa ilang buwang pananatili ng 21-year-old chef mula sa Zamboanga del Sur sa loob ng Bahay ni Kuya, sinabi nitong napakarami niyang natutunan na dadalhin at pagsisikapan niyang isabuhay ngayong nasa outside world na siya uli.

“Three months ago, maikukumpara ko yung Liofer dati na sobrang mahiyain pagpasok pa lang sa bahay, tapos ng dahil sa mga hamon ni kuya, dahil sa mga experience ko sa loob ng bahay ni Kuya, natuto ako kung paano talaga maki-connect sa isa’t isa.

“Palabas na ako sa outside world. Yun lang siguro yung nagbago sa akin, yung mas magiging magaling makisama sa isa’t isa kasi nahihiya pa ako nu’n, eh. Naaalala ko yun,” ani Liofer nang humarap sa “PBB Connect” mediacon pagkatapos ng Big Night.

Naniniwala rin ang binata na hindi lang siya ang nagwagi sa “PBB Connect” kundi pati na rin ang mga kasamahan niya sa Big 4 na sina Andrea Abaya, Kobie Brown at Jie-ann Armero.

“Para sa akin, deserve naming apat na maging Big Winner. Kung hindi man ako yung naging Big Winner, siya yung pipiliin ko kasi nakikita ko sa kanya na kahit bata lang po, kaya niyang makipagsabayan sa amin.

“Kaya niyang makipagsabayan sa mga hamon ni Kuya. Gustung-gusto ko rin na makamit niya yung pangarap niya para sa pamilya niya. At ito po ay si Jie-ann po,” aniya pa.

Handang-handa na rin si Liofer sa mga bagong hamon ng buhay na sasagupain niya sa outside world, “Yung bansa natin nalalaman ko ngayon na humaharap pa rin sa pandemya.

“Ready na po ako na lumabas sa outside world para makita yung taong bayan at makatulong sa pamilya at maka-inspire din ng iba.

“Siguro paglabas ko sa outside world, ang gusto kong kainin yung luto ng nanay ko kasi miss na miss ko na mga luto niya. Yung bola-bola ng nanay ko masarap na masarap,” lahad pa ng bagong “PBB” Big Winner.

Bukas din ang isip at puso niya sa pagpasok sa showbiz, “Kung may opportunity man siyempre gustong gusto ko kasi pangarap ko din. I-ga-grab ko na kung meron man chance.”

At kung ipalalabas nga sa “MMK” ang kanyang life story isang aktor lamang ang nasa isip niya na pwedeng gumanap bilang Liofer.

“Sa akin, ang gusto ko mag-portray sa akin si Jericho Rosales kasi idol na idol ko yun and sobrang galing niya na actor,” pahayag ng binata.

Read more...