Vico naka-quarantine matapos mamatay ang driver dahil sa COVID-19

WALANG ginanap na flag ceremony sa city hall ng Pasig City kaninang umaga dahil ang alkalde nilang si Vico Sotto ay kasalukuyang naka-quarantine.

Sa pamamagitan ng Facebook Live, ikinuwento ng batang alkalde ang ilang detalye hinggil dito.

“Magandang umaga po sa ating lahat, sana po ay nasa maayos tayong kalagayan.

“Lahat naman po tayo ay nakita na sa balita, sa TV man, sa radyo, sa social media na tumataas po muli ang kaso ng Covid19 sa ating bansa, sa ating rehiyon, buong NCR (Nationap Capital Region) at sa ating Lungsod ng Pasig kaya sana ay mag-iingat po tayo ng husto’t ‘wag po tayo nagpapa-kampante, sumusunod po tayo sa mga health protocols po natin.

“For the first time since last year lagpas sa 300 ang bilang ng active cases natin ngayon more than 400 cases na at makikita natin ‘yung trend sa buong Metro Manila,” pahayag ni Mayor Vico.

At habang hinihintay niya ang resulta ng kanyang COVID-19 test na ginawa nitong Linggo ay, “Masalukuyan po akong naka-quarantine, nag-COVID-19 test na rin po ako, PCR test po ako kahapon bilang ako po ay naging close contact. Kaya strictly, susunod po tayo sa mga protocols natin,” aniya.

“Hindi muna ako makakapasok sa trabaho at kina-cancel ko muna mga appointment o meeting at kung maaari ay via zoom, or via viber, text pr phone call po muna ako magta-trabaho. Bale two weeks po mula nu’ng last exposure ko sa kaso ng COVID-19.

“Huwag kayo mag-alala okay ako, wala ako symptoms bukod sa chronic cough ko na matagal na naman wala pang pandemya, may chronic cough na ako,” pahayag pa ni Vico.

Patuloy pa niya, “Noong nakaraang Biyernes ay nawalan po tayo ng isang matalik na kaibigan dahil sa COVID-19. Siya po ‘yung driver ko kaya talagang close contact ako, bagama’t sumusunod naman kami sa health protocols.”

Nagpaabot din ng pakikiramay si Mayor Vico sa pamilya at mga kaibigan ng kanyang personal driver na tinawag niyang Kuya Vener.

Read more...