IYAK nang iyak ang sexy actress-vlogger na si Ivana Alawi nang bigyan siya ng 20 pesos ng isang 58-year-old puto-kutsinta vendor.
Muling namigay ng pera si Ivana sa ilang kababayan nating nakilala niya sa lansangan na mapapanood sa latest vlog niya sa YouTube.
This time nagpanggap naman ang dalaga bilang isang pulubi at namamalimos. Ang kanyang drama kailangan niya ng pamasahe para raw makauwi na siya sa Baguio City.
Sa ilang taong nasa kalye na nilapitan ng sexy actress, may mga nagtaboy at hindi nagbigay ng tulong pero kung susumahin, mas marami pa rin ang nagpakita ng nagmalasakit sa kanya at nag-abot ng pera kahit paano.
Ang ginawa ni Ivana, lahat ng tumulong sa kanya ay tinutumbasan niya ng P5,000 hanggang P20,000. Aniya regalo na niya ito sa mga taong may mabuting puso at malasakit sa kanilang kapwa kahit pa nga hirap din sila sa buhay.
In fairness, talagang hindi nila nakilala si Ivana sa pagdi-disguise nito bilang pulubi kaya naman gulat na gulat sila kapah ipinapaalam ng mga kasama ng dalaga na si Ivana ang kanilang nakausap at nagbigay ng pera sa kanila.
Isang lalaki nga ang binigyan ni Ivana ng P20,000 dahil P20 ang iniabot nito sa kanya. Inakala pa nga nitong prank lang ang eksena kaya hindi agad siya naniwala.
Pero ang talagang nagmarka kay Ivana ay ang ginawa ng isang lalaking naglalako ng puto at kutsinta. Talagang nakipagchikahan pa ito sa kanya kahit ganu’n ang kanyang itsura.
At bukod sa iniabot nitong bente pesos ay inalok pa siyang kumain ng kutsinta at nagsabing bibilhan pa siya ng softdrinks o tubig.
Dito na napahagulgol ang dalaga dahil hindi na niya kinaya ang kabaitan ng vendor, “Ayan kuya pinaiyak mo na ‘ko. Grabe po, ang bait-bait n’yo. Saludo ako sa kabaitan at pagmamalasakit n’yo sa kapwa ninyo.”
Kaya naman ang ginawa ni Ivana, dumukot ng lilibuhin sa dala niyang bag at binigyan ng P20,000 ang lalaki. Nagtataka naman niya itong tinanggap at hindi makapaniwala sa biyayang natanggap.
Sa puntong ito, naiyak na rin ang tindero at todo ang pasasalamat kay Ivana. Nang tumayo ang dalaga ay patuloy pa rin ang kanyang pag-iyak hanggang sa dumiretso na siya sa kanilang sasakyan.
Isang staff ng aktres ang nakipag-usap sa tindero at sinabi ngang hindi niya akalain na magkakaroon siya ng ganu’n kalaking halaga nang dahil lang sa simpleng pagtulong na kanyang ginawa.
Sabi ng vendor, may pambili na raw siya ng bisikletang may side car na magagamit niya sa paglalako ng kanyang paninda.
But wait, there’s more! Nagsabi si Ivana na ipahahanap niya ang tinderong nakilala bilang si Tatay Joselito Martinez para mabigyan pa ito ng mas marami pang biyaya dahil sa ginawa nitong pagtulong sa kanya.
Aniya, itinuturing na rin niya itong tatay at dapat lang na suklian din ng kabutihan ang kadakilaan nito. Sabi pa ng dalaga, napakarami niyang natutunan sa vlog na ito na ite-treasure niya sa kanyang puso.