ANG pangarap pala noon ni Ginang Rosario Viceral para sa kanyang anak na si Vice Ganda ay maging abogado o engineer.
Nakasama ng TV host-comedian ang pinakamamahal na ina sa pinakabago niyang vlog sa YouTube kung saan napag-usapan nila ang ilang mga ganap sa kanilang buhay.
Nagchichikahan ang mag-ina tungkol sa naging buhay nila noon habang nagluluto si Vice ng spaghetti.
Kuwento ng nanay ni Vice, pangarap niya noon na maging lawyer ang anak, “Ang dream ko sa ‘yo noon kasi nakikita ko, magaling ka magbasa, magaling ka sumagot.
“Kaya sabi ko magiging abogado ang aking anak o kaya engineer. Hindi ko napi-predict ang ano, (mangyayari) sa mga anak ko kasi paiba-iba sila ng gusto,” sabi ng nanay ng komedyante.
Sa isang bahagi ng video tinanong ni Vice ang ina kung naramdaman na ba nito noo na isa siyang beki, tugon ni Mrs. Viceral, “Ako noong ano, nararamdaman ko na. Pero hindi ako makibo kasi ayaw ng tatay mo. Kasi ‘di ba nauna si Manuel (kapatid ni Vice), galit siya.”
Sabi naman ng Phenomenal Box-Office Star, “Galit si Tatay, ayaw ni Tatay na maging bakla ang mga anak niya.”
“Oo. Dahil ikaw daw ang magiging tunay na lalaki. Kaya ‘di ako kumikibo. Tinitingnan lang kita, paglaki mo. Sa loob ko ‘hindi naman siguro, dalawa na sila,'” pahayag naman ni Mrs. Viceral.
Nang tanungin naman ni Vice kung nalungkot o nadismaya ba ang ina dahil bading ang mga anak niyang lalaki, “Hindi ako nalungkot. Kasi ako naman, kung ano ang kapalaran na ibigay sa mga anak ko, tanggap ko kahit na ano.
“Ganoon ako ka-open. Hindi kapares ng tatay mo na may pamantayan siya,” anito.
Sabi pa ni Mrs. Viceral, wala siya sa tabi ni Vice nang magdesisyon itong mag-out na at umaming isa rin siyang bading. Nasa Amerika raw siya noon at nagtatrabaho.
Ipinagdiinan naman ng nanay ni Vice Ganda na super proud siya sa anak dahil sa tagumpay na tinatamasa nito sa buhay at career.
Ano ang sasabihin n Mrs. Viceral kung naroon siya nu’ng time na mag-out si Vice, “Sasabihin ko, ‘Tatanggapin ko anak kung yung talaga ang binigay ng Diyos sa iyo na kapalaran mo, open lang tayo.’
“Kasi nakakitaan ko naman yung dalawang kapatid niya na wala namang problema. Mababait naman sila na mga bata, nakakatulong ko,” aniya pa.