Sinas hindi dumaan sa health screening sa Oriental Mindoro

Lumipad patungong Oriental Mindoro si Philippine National Police chief General Debold Sinas para magbigay ng magandang balita sa kapulisan ng Mimaropa. Pero sa halip, umalis siya ng lalawigan na matinding pangamba ang iniwan.

Positibo sa Covid-19 ang resulta ng swab test ni Sinas na lumabas noong Huwebes, ang araw na dumalaw siya sa Police Regional Office ng Mimaropa na nakabase sa Calapan City para saksihan ang ceremonial na pagbabakuna laban sa sakit na coronavirus sa mga frontliners ng panrehiyong pulisya.

Sa pahayag ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro, sinabi nito na hindi dumaan si Sinas sa health screening na isinasagawa sa lahat ng mga pumapasok sa probinsiya.

“Si PGen. Debold Sinas ay hindi dumaan sa pier ng Calapan at hindi siya kabilang sa mga na-profile ng mga kawani ng PGOM. Siya ay dumating sa lalawigan lulan ng helicopter at dumiretso sa Regional Headquarters [ng PNP],” ayon sa pahayag ng lalawigan.

Sa mga pantalan sa Calapan, Puerto Galera, Pinamalayan at Roxas  isinasagawa ang mandatory health and exposure assessment. Hindi dumaan si Sinas sa pantalan ng Calapan City dahil lulan ito ng helicopter na lumapag sa hindi aktibong paliparan ng siyudad sa Barangay Suqui.

“Ikinalulungkot ng pamahalaang panlalawigan ang pangyayaring ito,” ayon pa sa kapitolyo.

Wala pang reaksyon ang tanggapan ni Sinas sa pahayag na ito ng Oriental Mindoro.

Nananatiling asymptomatic ang hepe ng PNP na kasalukuyang naka-quarantine sa Kiangan Billeting Center sa Camp Crame, Quezon City.

Umaabot na sa 12,000 ang mga pulis na dinapuan ng Covid-19, kabilang na ang  752 na aktibong kaso. May kabuuang bilang na 32 naman ang namatay habang  11,217 ang gumaling.

Dati nang naging kontrobersiyal si Sinas matapos itong magdaos ng birthday party noong  hepe pa siya ng National Capital Region Police Office noong Mayo 2020 sa kasagsagan ng pandemya.

Si PNP Chief Debold Sinas habang kinakausap ang mga miyembro ng PNP Mimaropa.

Read more...