INUMAN at lasingan lang daw ang talagang ibig sabihin ng kontrobersyal hit song ng Eraserheads na “Spoliarium.”
Mismong ang dating lead vocalist ng OPM legendary group ang nagbahagi kung ano ba talaga ang kuwento sa likod ng nasabing kanta na naging usap-usapan nga noong ilabas na nila ito.
May mga nagsasabi kasi na ibinase raw ang kanta ng Eraserheads sa umano’y panggagahasa umano sa 1980s sexy star na si Pepsi Paloma. Ayon sa ilang nakarinig ng “Spoliarium” may ilang lyrics daw na tumutukoy sa nasabing rape case.
Sa unang pagkakataon, ipinaliwanag nga ni Ely Buendia sa isang podcast na wala naman daw malalim na hugot ang kanilang kanta na hanggang ngayon nga ay usap-usapan pa rin sa mga inuman lalo na ng mga fans ng grupo.
Paglilinaw ng singer-songwriter ang gintong alak na nabanggit sa kanta na kabilang nga sa kanilang “Sticker Happy” album, ay hango sa alak na Goldshläger.
“Spoliarium is one of those cases where really the myth has sort of taken over the facts and I kinda like it. I kinda like the myth,” simulang pagbabahagi ni Ely sa podcast na “Wake Up With Jim & Saab.”
Aniya pa, “Because the actual meaning of the song is also again, just really mundane. Alam niyo yung drink na Goldshläger? So we were drinking that, and that gintong alak, that’s what it meant. It’s all about getting pissed drunk.”
Bukod dito, nabanggit din ng OPM hitmaker na ang mga pangalang “Enteng” at “Joey” sa kanta ay ang kanilang mga road manager at walang kinalaman sa mga kumakalat na tsismis tungkol kay Pepsi Paloma.
“They were roadies. Kaya first time ko nabasa ‘yun, that urban legend, sabi ko, ‘Wow, okay ‘to, ah.’ There really is, sometimes, ‘yung mga coincidence like that, you have no power over that. It just happens,” pahayag pa ni Ely.
Ayon sa singer at songwriter, ang nasabing kanta ay tungkol lamang sa inuman at hangover at wala na silang kinalaman sa naging interpretasyon ng mga nakarinig sa “Spoliarium.”
“We were just drinking. It’s about the hangover. But you know, whatever people wanna think about that song, it’s fine. That’s the beauty of it.
“Are you disappointed? Pero pustahan tayo kahit sinabi ko na yan, the myth will still go on,” pahayag pa ni Ely Buendia.