NAMI-MISS na rin ng isa sa mga original “StarStruck” Avenger na si Nadine Samonte ang pag-arte sa harap ng mga camera.
Huli pa siyang napanood sa Kapuso primetime series na “Super Mom” ni Marian Rivera noong 2017 at mula nga noon ay nag-focus na siya sa kanyang pamilya.
Muling napanood si Nadine sa “Eat Bulaga” kamakailan bilang celebrity guest sa “Bawal Judgmental” segment at dito nga niya nabanggit kung bakit bigla niyang iniwan ang showbiz.
“Simula noong nabuntis ako sa panganay ko, I wanted to spend time with her. Tapos biglang dumating si pangalawa kaya I want to spend time with my family muna,” una niyang paliwanag.
Mas pinili muna niya ang maging hands-on mother sa dalawa niyang anak na sina Heather Sloane at Austin Titus ngunit inamin niyang talagang hinahanap-hanap din niya ang pag-arte.
“Nakakamiss umarte, nakaka-miss ‘yung samahan niyo sa set and all, ‘yung taping, nakaka-miss magpuyat. Kaya I’m planning, sooner, baka,” pahayag ni Nadine.
Nagsimula ang career ng aktres sa showbiz noong 2003 sa pamamagitan ng first season ng Kapuso reality show na “StarStruck” kung saan itinanghal na Ultimate Female Survivor si Jennylyn Mercado habang Ultimate Male Survivor naman si Mark Herras.
Ang iba pa nilang kasabayan sa nasabing show ay sina Yasmien Kurdi, Rainier Castillo, Sheena Halili at Katrina Halili.
Natanong din si Nadine kung nagkakausap pa rin sila ng mga ka-batch niya sa “StarStruck”, “Yes, we are pero sa panahon ngayon mahirap magsama-sama dahil sa mga nangyayari ngayon so nagtatawagan na lang, nagkukumustahan na lang, nagrereminisce sa mga nangyari before sa taping.”
Bukod sa pagiging asawa at mommy, busy din ngayon ang aktres sa ilang negosyong itinayo nila ng kanyang mister, “May business kami on the side, online businesses and rental ng condominiums namin. I have dried fishes, pastries.
“Malaking tulong sa business kasi kilala ka na. Minsan kapag artista ka naniniwala sila sa ‘yo, at ‘yung kapalit nun binibigay ko ‘yung quality ng produkto,” pahayag ni Nadine.
Last year, noong kasagsagan ng lockdown, ibinandera ng aktres ang pagpasok niya sa online selling at kabilang nga sa mga itinitinda nila ay tuyo, daing at iba pang dried fish.
“Hindi ako nahihiya na magbenta ng ganito kasi sa panahon ngayon, kailangan natin maging madiskarte and hindi nakakahiya kasi masarap talaga,” pagmamalaki pa niya sa isa niyang Instagram post.