KAHIT na-postpone ang virtual launch ng official music video ng pinakabagong kanta ng SB19 na “What?” natuloy pa rin ang pagri-release nito kahapon.
Ito ang unang single ng sikat na P-pop group ngayong 2021 na talaga namang inabangan ng milyun-milyon nilang fans all over the universe.
Tulad ng inaasahan, naging instant hit ang five-minute music video sa social media — meron na agad itong kulang-kulang 1 million views habang isinusulat namin ang balitang ito.
Bukod dito, naging number one topic din agad sa socmed ang mga hashtag na ginamit ng kanilang supporters tulad ng “#SB19WHATMVOutNow” at “SB19TuloyAngComeback”, makalips lang ang ilang oras nang mag-premiere ang music video bandang alas-7 kagabi.
Ang SB19 member na si Justin de Dios ang nagsilbing creative director ng viral na ngayong music video habang ang buong grupo naman na kinabibilangan nina Justin, Stell, Ken, Sejun at Josh ang nagsilbi ring choreographers.
Marami man ang nalungkot sa postponement ng virtual launch ng inaabangang SB19 event, hindi pa rin nabigo ang kanilang mga tagasuporta dahil talagang abot-langit ang papuri nila sa ganda ng pagkakagawa ng “What?” video.
Nauna nga rito, naglabas ng announcement ang management ng grupo na hindi muna matutuloy ang virtual launch na naka-schedule nga kahapon dahil na-expose ang mga miyembro nito sa isang taong nagpositibo sa COVID-19.
“We regret to announce the SB19 ‘What?’ Virtual Music Launch scheduled on March 9, 2021 (Tue) 19:30 has been postponed.
“SB19 was recently exposed to someone who tested positive for COVID-19 and they are now in quarantine,” bahagi ng mensahe ng grupo sa kanilang official Facebook page kasabay ng paghingi ng paumanhin sa madlang pipol.
“SB19’s ‘What?’ digital single, music video, and merchandise will still be released as scheduled.
“The health and safety of our artist, staff, and production team is our priority and we are thankful for your support and understanding,” ang nakalagay pa sa FB page ng SB19.
Noong July, 2020 ni-release ng sikat na sikat na ngayong all-Filipino group ang kanilang first full-length album na “Get in the Zone” na talaga namang mainit na tinanggap ng kanilang fans mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo.