Walang project ngayon ang aktres kaya hiyang-hiya siya sa kaanak niya na nakakaluwag-luwag na lagi siyang inaabutan ng pangdagdag gastos nilang pamilya.
Mahusay ang aktres, pero nagtataka rin kami kung bakit mailap ang proyekto sa kanya. O baka naman totoo ang narinig naming mapili siya sa project.
“’Yun nga, mapili, e, wala na nga. Uso kasi ngayon lock-in, e, ang bayaran kasi kung ilang beses kang kukunan. Sa kanya bilang support, so hindi lahat ng araw kasama siya sa scenes. Sa 15 days lock-in minsan 6 na araw lang. Ayaw niya kasi sayang daw ang araw niya. Paano masasayang kung wala rin naman siyang project at nasa bahay lang?” kuwento ng aming source.
Ang asawa ng aktres ay aktor din na masasabing match talaga sila dahil madalang pa sa patak ng ulan ang offer.
“May attitude problem kasi saka tamad!” ito ang saktong sabi sa amin ng source.
Dagdag pa, “Hindi siya puwede sa lock-in shoot. Lahat ng kasama niya tulog na, siya gising pa. Tapos kinabukasan nagwo-work na lahat, siya tulog pa. Paano mo aalukin?”
Kaya pala ayaw nilang mag-asawa ng lock in.
Mabuti na lang ang kaanak ng aktres na tumutulong sa kanila ay hindi pa rin nagsasawa.
Bakit hindi na lang kaya sila mag-vlog na mag-asawa para may pagkakitaan sila?
“May manonood ba?” tanong ng aming source.
Nag-check nga kami ng social media accounts at YT channel ng mag-asawa ay tungkol lang sa guestings nila pero ‘yung sarili nila ay waley.
Xxxxxx
Isang pelikulang pagbibidahan ni Ina Raymundo, ang film concert ni Sarah Geronimo, at bagong Pinoy movies ang ilan lamang sa mga bagong mapapanood sa iWantTFC streaming service ngayong Marso.
Sugatan ang puso ni Ina bilang isang misis na binigo ng kanyang asawa sa “Ampalaya Chronicles: Me and Mrs. Cruz,” kung saan makakatambal niya si Paulo Angeles. Ito ang ikatlong episode sa original anthology series kasunod ng “Adik” at “Labyu Hehe” at mapapanood na sa Marso 24.
Sa Marso 27 na rin ang pinakahihintay na “Tala: The Film Concert” ni Sarah Geronimo na mapapanood sa buong mundo. Available pa rin ang tickets nito na mabibili sa iWantTFC website at Android app sa halagang P1,500 o USD29.99.
Makakabili na rin ng early bird tickets (P300) sa iWantTFC ng upcoming movie nina Janine Gutierrez at JC Santos na “Dito at Doon” na malapit nang ipalabas sa Pilipinas. Tungkol ito sa dalawang magkaibigang magiging kumplikado ang relasyon habang lockdown at mahuhulog sa isa’t isa dahil sa dalas ng kamustahan nila sa video calls.