Bulkang Taal nasa Alert Level 2 na

Lyn Rillon, Inquirer

Itinaas na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa alert level 2 ang  Bulkang Taal.

Base sa monitoring ng Phivolcs, nakapagtala ang bulkan  ng 28  volcanic tremor episodes, apat na low frequency volcanic earthquakes, at isang hybrid earthquake sa nakalipas na 24 oras.

Ayon sa Phivolcs, tumaas ang seismic energy sa volcanic tremors at tumatagal ng tatlo hanggang 17 minuto.

Nabatid na mula noong Pebrero 13, nakapagtala na ang Bulkang Taal ng 866 na volcanic tremor events.

Dahil nasa Alert Level 2 na ang Bulkang Taal, ayon sa Phivolcs, nangangahulugan ito na posibleng magkaroon na ng magmatic activity  na maaring maging sanhi ng pagputok nito.

Hindi pa naman inirerekomenda ng Phivolcs ang evacuation sa mga nakatira sa paligid ng bulkan.

Pero paalala ng Phivolcs, nasa permanent danger zone ang Taal Volcano Island kung kaya bawal ang pumasok sa lugar lalo na sa bisinidad ng Main Crater at Daang Kastila fissure.

Pinapayuhan ang mga residente na mag-ingat maging ang mga piloto na iwasan muna ang paglipad malapit sa bulkan dahil sa airborne ash at ballistic fragments.

 

Read more...