Pagbakuna sa Covid-19, naikukumpara sa Dengvaxia

dengvaxia vaccine

Matapos dumating ang mga donasyong 600,000 Sinovac vaccines mula China at 525,000 Astrazeneca vaccines ng WHO COVAX at Western countries, umarangkada ang pagbabakuna sa dalawang milyong medical frontliners bago matapos ang katapusan ng Marso.

Inaasahan din na bago matapos ang taon, may 71 milyongPilipino sa 114 milyong populasyon ang mababakunahan ng iba’t ibang Covid-19 vaccines. Target ng gobyerno na makakuha ng 161 million doses mula sa pitong malalaking Covid-19 manufacturers sa buong mundo.

Sa ngayon, meron nang kontratang 35 million doses mula sa Moderna, 25 million doses mula Sinovac, 4.5 million doses mula Astrazeneca, 5.6 million doses mula Pfizer, at 5.5 million doses mula sa Johnson and Johnson.  Bukod ito sa isinasarang supply agreement mula sa Serum state of India, Sputnik V vaccine ng Russia at Sinopharm mula sa China.

Nauna rito, ipinahayag ni Pangulong Duterte na kapag meron nang 2-milyong nabakunahang Pilipino, posibleng alisin niya ang Quarantine restrictions tulad ng GCQ, at MGCQ. Pero nakakabahala naman ang sinasabi ng DOH at Octa research sa muling pagtaas ng mga COVID-19 (bagong variants) na humigit 3,000 kaso sa nakaraang tatlong araw. Gayunman, tiniyak ng DOH na “controllable” ang mga “bagong variant “at walang dapat ikabahala.

Sa kabuuan, mas maganda at mas preparado tayo sa sitwasyon ngayon kaysa noong nakaraang taon. Protektado na ang mga medical frontliners at susunod na ang mga pagbabakuna sa “general population”. Bagay na talaga namang dapat papurihan dahil sa magkakatulong ang lahat ng sektor, gobyerno, mga doctor, narses, hospital, medical staff upang ipatupad ang mass vaccination.

Nakita ko mismo ang ”vaccination” ng mga medical frontliners sa St. Lukes sa Quezon City at talaga namang masinsin ang proseso.  Sinala ng husto ang mga kwalipikasyon ng mga babakunahan, gayundin ang pagpili sa mga tatayong “vaccinators”. Bukod sa “pre-qualification” ng mga tuturukan, meron ding “monitoring” sa mga  “adverse effects” o iyong mga kakaibang reaksyon sa bakuna. Kumpletong-kompleto ika nga, at mangha-manhga ako sa totoong klase ng “mass vaccination”. Lalo pa’t ang lahat ng mga Covid-19 vaccines ay nasa “clinical trials” at “emergency use” pa lamang ang estado , ibig sabihin,  hindi pa natin alam ang “long term” side effects nito.

Kaya naman, hindi maalis sa isip ko ang dinanas ng 733,000 hanggang 833,000 na elementary students na sumailalim ng “school-based mass vaccination” sa nakaraang Pnoy Administration. Ito’y isinagawa noong Abril 2016,  kung saan malayong-malayo ang isinagawang sistema ng DOH at DEPED noon kumpara ngayon sa Covid-19. Walang kumpletong “listahan” ng mga binakunahang mga bata, kung meron silang “allergy, ibang sakit at co-morbities na tinatawag. Kung sinu-sino na lang ang mga “vaccinators” o nagbabakuna at wala ring “monitoring “ ng adverse reactions ng mga tinurukang estudyante.

Kung babalikan ang isyu, umabot sa higit 600 bata ang namatay matapos ang “unang dose” ng Dengvaxia. At sa mga sumunod na imbestigasyon ng Kongreso, napwersang umamin si Thomas Triomphe ng Sanofi Pharmaceuticals  dahil na-expose ang mga bata sa “posibleng severe disease”.

Sa totoo lang, lumilitaw na hindi ang bakunang Dengvaxia ang problema, dahil sa kalaunan, inaprubahan din ito ng mga FDA regulatory agencies ng America at European union, bukod pa sa 19 na bansa sa buong mundo. At sinasabing nakapagligtas ito ng higit 1 milyong buhay laban sa Dengue.

Ang talagang malaking problema ay ang “kapalpakan” ng “school-based vaccination” ng Department of Health at DepEd noong panahon ni Pnoy. Talagang masasabi nating mistulang “guinea pig” ang mga kabataan lalo pa’t lumitaw na merong komplikasyon palang “severe disease” sa ilang naturukan. Dahil mga estudyante lamang, basta tinurukan na lamang.

Pero ang pinakamalaking tanong, bakit nagmamadali noon ang Pnoy administration sa pagbabakuna ng Dengvaxia  lalot April 2016, o dalawang buwan na lang bago sila sumibat sa pwesto?

Alam na!

 

Read more...