SA kabila ng matitinding pagsubok na kanyang pinagdaanan nitong nagdaang 2020, hindi kailanman kinuwestiyon ni Sylvia Sanchez ang pagmamahal at paggabay sa kanya ng Panginoon.
Kung mahina-hina ang kalooban at pananampalataya ng award-winning actress, siguradong bumigay na siya sa sunud-sunod na problemang dumating sa buhay niya pati na rin sa kanyang pamilya.
Alam naman ng lahat na tinamaan din ng COVID-19 ang aktres noong nakaraang taon pati na rin ang asawa niyang si Art Atayde at talagang hindi biro ang pinagdaanan nila para maka-survive sa killer virus.
Bukod dito, may iba pang hamon ng buhay na hinarap si Sylvia nito lamang pagpasok ng 2021 na sumubok din sa kanyang tapang at katatagan bilang ilaw ng tahanan.
Maraming Pinoy ang nagsasabi na “bad year” at puro kamalasan ang hatid ng 2020 ngunit para sa Kapamilya actress, isa pa rin itong taon na punumpuno ng pagmamahal, inspirasyon at blessings.
Never daw kinuwestiyon ni Ibyang ang Diyos sa kabila ng sunud-sunod na challenges na kanyang hinarap last year hanggang ngayong bagong taon. Nananatili pa ring buo ang pananampalataya at pananalig niya.
Ayon pa sa mommy nina Arjo at Ria Atayde, sa kabila ng mga hamon ng buhay marami pa ring blessings na dumarating sa kanya, lalo na sa kanyang mga anak.
Una na nga riyan ang pagkapanalo ni Arjo sa 2020 Asian Academy Creative Awards para sa digital series na “Bagman” at ang pagpirma nito ng exclusive contract sa ABS-CBN.
Idagdag pa riyan ang pagtupad ng binata sa pangarap niyang makapag-produce ng pelikula at makapagbigay ng trabaho sa mga taga-industriya. Balitang may iba pang negosyong papasukin ang aktor ngayong taon.
Sa pagkakaalam namin, may mga gagawin ding bonggang projects ang dalagang anak ni Ibyang na si Ria very soon at malapit na ring ipalabas ang bago niyang Kapamilya series na “Huwag Kang Mangamba” kaya naman abot-langit lagi ang pasasalamat ng premyadong aktres sa Panginoon.
Bukod pa nga rito, nagpapasalamat din si Sylvia sa bonggang partership nila ng Beautederm ni Rhea Tan dahil sa patuloy na pagbongga ng kanilang negosyo.
“Sa gitna ng pandemya at sa mga pinagdadaanan natin ngayon, may mga positibo pa din namang mga ngyayari sa buhay natin.
Isa ito sa positibong nangyari sa akin ngayon. Salamat po LORD sa blessing na to. #Beautederm. Nlex balintawak toll plaza Billboard is now up! Thanks CEO @missrheatan,” ang caption ni Ibyang sa isang post niya noon sa isang Instagram account.
Sa nakaraang panayam naman kay Sylvia ipinagdiinan din niyang, “Happiness at suwerte itong 2020 sa buhay namin. Yes, pandemic, yes, nagka-COVID kaming mag-asawa pero nalagpasan namin ‘to and naging mas masaya kami after noong COVID na nangyari sa buhay naming mag-asawa mas naging close.
“At ang daming mga hindi namin nagagawa together ng pamilya kasi busy sila. But this time, nagawa namin and ang daming dumating. Actually sabi ko nga blessings,” aniya pa.
“‘Yung sinasabi ng iba na malas-malas daw ang 2020 kasi pandemic, yes malas kasi may COVID na dumating, pero nasa sa ’yo ‘yun e kung itutuloy-tuloy mo na isipin na malas. Ang sa amin in-accept namin na okay pandemic, may COVID, delikado e di mag-ingat tayo, alam mo ‘yun, gawin natin ‘tong positive ‘yung mga nangyayari ngayon imbes na mag-dwell tayo doon sa negative,” pahayag pa ng aktres.