Melai yayamanin talaga ang pamilya sa GenSan pero minalas: Sobrang stress na papa ko noon…

MASASABI rin palang “rich kid” ang Kapamilya TV host-comedienne na si Melai Cantiveros noong kasagsagan ng negosyo nila sa General Santos City.

Kuwento ng misis ng komedyante ring si Jason Francisco, bongga ang tuna business nila sa Gen San noong bata pa siya kaya “yayamanin” din daw talaga sila noon.

Inamin ito ni Melai nang ibahagi niya ang kuwento ng kanyang kabataan sa latest vlog ni Toni Gonzaga. Aniya, isa ang pamilya nila sa Gen San na nagsu-supply ng tuna sa iba’t ibang bansa noon kaya may regular na pinagkakakitaan ang mga magulang niya.

“Medyo may pagkamayaman talaga kami ate Tons. Kasi mayaman ka sa Gen San kapag may bangka ka. Hindi ‘yung bangka na maliit, ‘yung bangka na malaki, ‘yun talaga ang pinapadala sa laot.

“Three months ‘yung nandoon para kumuha ng tuna, ‘yung tuna na pinapadala sa Japan. So may pagkamayaman kami dati,” lahad ng komedyana.

Ngunit sinubok nga sila ng tadhana nang mahuli ng Indonesian authorities ang kanilang bangka kasama ang mga mangingisda matapos lumagpas sa territorial boundary ng nasabing bansa.

“Dapat may boundary ‘yung mapangisdaan doon sa Gen San. Lumagpas sa boundary ng Indonesia, konting lagpas lang sa boundary dahil doon nag-swim ang tuna.

“Pagkuha ng tuna don pinarata agad ng mga taga Indonesia, hinuli agad sila at dinala sa Indonesia. Ang tatay ko ang parang head, hinuli ‘yung mga tauhan niya. Pagdating doon sinira ang bangka namin,” pahayag pa ni Melai.

Patuloy pa niyang pagbabalik-tanaw, “Ang papa ko sobrang stress noon, sinira ang bangka niya na pinaghirapan niya, half a million ang binayad doon, eh.”

Dahil sa nangyari, kinailangan nilang suportahan ang pamilya ng kanilang mga trabahador na nahuli sa Indonesia.

“Mga two years pa bago makauwi ‘yung mga tauhan ni papa, so in two years, si mama at si papa ang nagpakain ng bigas sa mga tauhan ng pamilya,” aniya pa.

“Sobra talaga, ‘yun talaga ang pinaka-nagpabagsak talaga sa amin, after non naghirap talaga,” dagdag pa niya.

Kaya naman talagang abot-langit ang pasasalamat niya nang makapasok at manalong Big Winner sa “Pinoy Big Brother Double Up” noong 2010.

Pagkalabas ng PBB house, naging magdyowa rin sila ni Jason hanggang sa magpakasal at magkaroon ng mga anak.

“Ang pinaka-main talaga doon aside sa Big Winner is nakita mo yung love of your life, na doon mo pala makikita yung magiging asawa mo at magiging tatay ng mga anak mo,” sabi pa ni Melai.

Read more...