Gerald, Julia paboritong pulutan sa inuman; pero wala na raw silang paki sa bashers

WALA nang pakialam si Gerald Anderson sa mga bastos at epal na bashers, ang mahalaga raw ay maligaya siya sa kanyang personal na buhay at career.

Alam ng Kapamilya actor na isa siya sa mga artistang paboritong pulutan ngayon sa mga inuman, sa palengke, sa mga tsismisan sa kanto at kung saan-saan pa dahil sa  kontrobersyal na relasyon nila ni Julia Barretto.

Sa panayam ni Boy Abunda sa binata, tanggap na niya na may mga mamba-bash sa kanya at hindi maniniwala sa mga sinasabi niya at wala na raw siyang magagawa rito.

“I’ve come to terms with it na kahit gaano karami akong trabaho, kahit gaano karaming naniniwala, meron ding hindi maniniwala.

“Whatever I say now sa interview na to will not magically change my bashers or haters,” pahayag ng boyfriend ni Julia.

Naaapektuhan pa ba siya ng pambabatikos ng haters? “Five, three years ago maybe. Pero umabot sa point na, ‘What’s new?’ I’ve heard everything.

“I’m controversial. I’m bashed because of my personal life and love life. It’s something na, hindi ko rin naman ise-share, ’yung intimate details about my life, ’yung mga ginagawa natin sa bahay,” sagot ng hunk actor.

Patuloy pa niyang depensa, “At the end of the day, ako ’yung pinaka-controversial na tao sa Pilipinas ngayon but I’m so blessed with good health, ’yung pamilya, nakakakain kami araw-araw, may work ako. I can still provide for them. Naibibigay lahat ng gusto nila lalo na ang nanay ko.”

Kasunod ng pag-amin ni Gerald sa relasyon nila ni Julia mariin din niyang itinanggi na bigla na lang niyang iniwan ang ex-girlfriend na si Bea Alonzo, “Wala po akong ‘ghinost.’”

Samantala, nagkuwento naman ang aktor sa isa pang panayam tungkol sa kanyang “first love” — ang basketball. Isa si Gerald sa mga manlalaro ng Maharlika Pilipinas Basketball League na na-postpone nga ang 2019-2020 season dahil sa pandemya.

Sana raw mag-resume na ang regular games kapag safe na ang lahat, “Sobrang exciting. Sobra. Tatapusin pa yung finals right? And I heard sa June daw ibabalik yun and sa MBPL napakahaba ng season.

“Excited ako. Sana tuloy-tuloy talaga bumalik na because I’ve been preparing also for that since last year pa after nung last season. Such a disappointing season. Pagod na akong matalo. Ha-hahaha! Abangan natin,” aniya.

Dagdag pa ng binata, “Kumbaga ito talaga yung passion ko. Yung pag-arte, sumunod na lang yan, eh. Natutunan ko na. Pangarap naman nating lahat maglaro sa PBA, maging basketball player, magkaroon ng ganitong klaseng endorsement.

“So kumbaga gina-grab ko lang yung opportunity habang kaya ko pa. 32 ako itong Linggo. Okay pa naman ang tuhod ko. Okay pa naman. Kaya pa,” chika ni Gerald.

Marami na ring business ngayon ang aktor, kabilang na ang kanyang pag-aaring gym at private resort pero may mga gusto pa raw siyang ma-achieve sa buhay.

“Ito na yung preparation ko. Parang kung sa sundalo, mahaba pa muna yung training at preparation niya bago siya sumabak sa gera di ba? Kasi siyempre buhay niya yung nakataya diyan.

“So parang ganu’n din yung perspective ko rito. Kailangan ko muna may mga ibang roles at projects na gusto ko pa gawin, gusto ko muna mas maging successful at i-establish yung mga business ventures ko, and then the next step is yung magkaroon ako ng mga maliliit na katulad ko (mga anak) at pamilya.

“So darating naman yun. Hindi ko alam, baka dahil birthday ko sa Sunday kaya medyo nagmamadali na rin yung mga tao na magkaroon ako ng pamilya but darating tayo diyan,” diin pa ng binata.

Read more...