Angelica nanindigang hindi na gagawa ng serye: Mapapaisip ka, ‘Bakit ko pinapagod ng ganito ang sarili ko?’

MUKHANG hindi na nga magbabago ang desisyon ni Angelica Panganiban na tumigil at mag-retire na sa paggawa ng teleserye.

Makalipas nga ang halos dalawang dekada ng pagiging artista, nais nang magpahinga ng dalaga sa pag-arte sa telebisyon, lalo na ang mga heavy drama tulad ng umeereng drama series niya sa ABS-CBN na “Walang Hanggang Paalam.”

“Yung decision naman na yun hindi naman yun overnight. Siyempre ilang taon kong iniisip.

“Minsan kasi kapag nandu’n ka sa bigat ng trabaho na ginagawa mo, mapapaisip ka ng, ‘Bakit ko ba ito ginagawa?

Bakit ko pinapagod ng ganito yung sarili ko?’ and to think na simula six years old ako pinapagod ko na sarili ko.

“So parang kelan ka titigil? Tapos parang may mga question ako sa sarili ko na, ‘Ano pa ba ang gusto kong i-prove?’ Lalung-lalo na pagdating sa teleserye,” pahayag ni Angelica sa panayam ng ABS-CBN.

Aniya pa, ayaw daw niyang dumating ang panahon na gumagawa na lang siya ng mga soap opera nang dahil sa pera.

“Hindi naman sa nawawalan ako ng gana kaya lang ayokong umabot ako dun na hindi ko na gusto yung ginagawa ko bago ko siya tigilan.

“Parang gusto ko siyang iwan na meron akong mataas na respeto at magagandang memories dun sa nagawa kong projects.

“Hindi yung may mapapanood tayo tapos sasabihin niyo parang nilaro na lang kasi ayaw na niya, di ba? So hangga’t kaya ko pang ibigay yung 100% para sa mga teleserye, ginawa ko naman siya.

“Parang maiwasan na rin siguro yung ma-burn out ako sa mga paggawa ng teleserye. Kasi doing a teleserye and doing a film magkaibang magkaiba siya, eh. Parehas siyang mahirap na trabaho.

“Okay na ako. Masaya na ako sa mga nagawa ko. Parang puwede ko na ito ibigay sa mga susunod na generation. Sila naman. Kaya naman nila yan,” paliwanag pa ng Kapamilya actress.

Samantala, inamin ni Angelica na nagdalawang-isip talaga siya kung tatanggapin ba o hindi ang movie nila ni Coco Martin na “Love or Money.”

“Nu’ng sinabi kasi sa akin meron silang pagbabanta na hindi gagawin ni Coco yung pelikula kung hindi ko ito tatanggapin so parang anong gagawin ko? Ha-hahaha!

“Actually gusto ko na magpahinga kasi kakatapos ko lang nung Unbreakable so sobrang drama yun di ba, parang heavy drama talaga siya. So gusto kong parang ipagpag muna yung sarili ko, yung huminga muna.

“Kasi ang nangyari natapos kami end of November hanggang sa promo nung pelikula. Then by December nag-sa-start na kaming mag-shooting ng ibang pelikula. So parang hindi ko ata kayang gawin,” kuwento ng dalaga.

“So umaarte pa ako ng ganu’n nu’ng una. Nagpapaka-artista pa ako na diva kunwari na hindi ko kaya ‘to, ang hirap. Pero tinanggap ko rin naman.

“Kasi nga parang naisip ko, wala na akong gagawin after. Sabi ko sige okay din kasi hindi ko pa nakakatrabaho si Coco ng isang buong pelikula and yun nga, gusto nga niyang baguhin yung sarili niya from Ang Probinsyano na nakasanayan na niyang gawin.

“Sabi ko sige game, parang challenge accepted. Paglaruan natin yung project, parang masaya ito,” chika pa niya.

Read more...