Napoles ililipat ng kulungan


MULA sa Makati City Jail ay ililipat sa Fort Santo Domingo, Laguna si Janet Lim-Napoles, ang negosyanteng itinuturong utak sa P10 bilyong pork barrel scam.

Kahapon ng hapon ay pinagbigyan ni Makati Regional Trial Court Branch 150 Judge Elmo Alameda ang hiling ng kampo ni Napoles na ilipat ng detention facility si Napoles dahil hindi kayang garantiyahan ng Makati City Jail ang seguridad nito.

Hindi naman sinabi ni Alameda ang eksaktong araw kung kailan ililipat si Napoles. Nahaharap si Napoles at ang kanyang kapatid na si Reynald Lim sa kasong  serious illegal detention sa sala ni Alameda, base sa akusasyon ng dati nilang empleyadong si Benhur Luy.

Nagtago si Napoles makaraang magpalabas ng warrant of arrest si Alameda laban sa magkapatid noong Agosto 14.
Sumuko siya kay Pangulong Aquino noong Miyerkules bago siya nai-turn over sa Camp Crame bago dinala sa Makati City Jail kamakalawa.

Bago ang desisyon, iprinisinta ni Atty. Lorna Kapunan si Makati City jail warden Fermin Enriquez, na umamin na hindi kayang garantiyahan ng pasilidad ang kaligtasan ni Napoles.

Aniya, kulang ang personnel ng kulungan upang i-secure ang mga “high-profile” suspek gaya ni Napoles. Iprinisinta rin ni Kapunan si Senior Supt. Roberto Fajardo ng Criminal Investigation and Detection Group, ang lead escort ni Napoles sa paglilipat nito mula Camp Crame patungong Makati City Jail kamakalawa ng gabi.

Nang tanunging kung mapanganib kay Napoles ang manatili sa jail, giniit ni Fajardo na “From what I know, since [Napoles] will be implicating a lot of higher officials, the threat is very real.”

Matatandaang nadetine rin sa Fort Santo Domingo sina Nur Misuari, dating pangulong Joseph Estrada at Sen. Gringo Honasan.

Oposisyon praning

“Episodes of uncontrolled paranoia.” Ganito inilarawan ni Liberal Party secretary general at Samar Rep. Mel Senen Sarmiento ang mga pahayag na gagamitin umano ng Malacanang si Napoles upang sirain ang mga kalaban nito sa pulitika.

Sinabi ni Sarmiento na hindi pamumulitika ang pakay ng pagdadala ni Pangulong Aquino kay Napoles sa Camp Crame kundi pagtiyak na makakakuha ng hustisya ang taumbayan sa umano’y pang-aabuso.

“I think that they are miscalculating the depth and breadth  of this issue that has triggered tremendous hatred from our people on this staggering corruption in our midst.

They should realize that this is already above and beyond politics which could not be manipulated by anyone, including the president or anyone in this administration, for some political agenda.

President Aquino’s action is a response to our people’s clamor to stop this system of corruption in our country,” ani Sarmiento.
Sinabi ni Sarmiento na kung walang ginawang mali ang mga taong nakaladkad sa kontrobersya ng pork barrel scam ay wala silang dapat na ikatakot.

Dagdag pa ni Sarmiento sa halip na pagdudahan ang pagsuko ni Napoles ang dapat gawin ng oposisyon ay tumulong upang matiyak na hindi na mauulit ang scam.

“They should stop imagining things. If they are clean and has really nothing to do with the scheming ways of Napoles, I don’t think that they have anything to fear.”

Read more...