Simula sa Lunes (March 8), matutunghayan na sa TV5 ang mga de-kalidad na produksyon, mahuhusay na artista, at positibong aral sa apat na Kapamilya shows na ito mula Lunes hanggang Biyernes ng 8 p.m. hanggang 10:30 p.m..
Mula 2015 ay kinagigiliwan na ng mga Filipino ang “FPJ’s Ang Probinsyano.”
Tuloy pa rin ang pagpapalabas nito at hindi magwawakas sa Abril, 2021, gaya ng naibalita. Mapapanood pa ang mga matitindi at kapana-panabik na eksena na nagpapakita ng pagmamahal sa pamilya, bansa, at Diyos sa kanilang pagsubaybay sa kwento ni Cardo Dalisay.
Samantala, ang “Ang Sa Iyo ay Akin,” ang pinakapinapanood na programa sa iWantTFC na nasa huling dalawang linggo na, at ang family drama na “Walang Hanggang Paalam” ay patuloy na tinututukan ng mga manonood mula noong 2020.
Ipalalabas din ng TV5 ang kapana-panabik na huling linggo ng “PBB Connect” mula Lunes (March 8) hanggang sa Big Night sa Linggo (March 14), matapos ang maraming linggong paghahatid ng ‘teleserye ng totoong buhay’ at mga aral sa pamamagitan ng mga hamon ni Kuya para sa housemates.
Sa pakikipagtulungan sa Cignal at TV5, maihahatid ng ABS-CBN Entertainment ang mga programa nito sa buong bansa sa pamamagitan ng TV5.
“We welcome the inclusion of ABS-CBN entertainment shows in our roster of programs. We believe that this content deal will benefit Filipino viewers across the country because of TV5’s extensive coverage,” sabi ni Robert Galang, presidente at CEO ng Cignal at TV5.
Ang “FPJ’s Ang Probinsyano,” “Ang Sa Iyo ay Akin,” “Walang Hanggang Paalam,” at “PBB Connect” ang pinakabagong mga palabas ng ABS-CBN Entertainment na eere sa TV5, kung saan napapanood ang “ASAP Natin ‘To” at “FPJ: Da King” tuwing Linggo mula noong Enero 24.
* * *
Pinakabagong artist ng ABS-CBN Music ang singer-songwriter na si Angela Ken na unang nakilala sa TikTok nang iparinig niya ang unfinished original song niyang “Ako Naman Muna,” na ni-release na kahapon ang buong bersyon.
Si ABS-CBN Music creative director Jonathan manalo ang naka-discover sa folk-pop artist matapos mag-viral sa TikTok ang “Ako Naman Muna” video niya, na sa ngayon ay meron ng 1.3M likes at 21.2K comments mula sa mga nabitin sa bahagi ng kanta na ipinost niya. Si Jonathan mismo ang personal na kumontak sa kanya para alukin siya ng recording at management contract.
“Your support and appreciation to the song has reached all around the country. I want to thank all of you for everything kasi ‘di ko maaabot ‘tong kinahahantungan ko kung hindi dahil sa inyo,” sabi niya sa isang TikTok video noong Valentine’s Day kung saan inansunyo niya ang release ng buong kanta.
Dapat lang naman na mapakinggan nang buo ang kanta dahil nagpapakita ito ng kahinaan ng isang tao gamit ang tagos-pusong lyrics nito at kalmadong boses ni Angela. May mensahe rin ng self-love ang chorus nito pero binibigyang-halaga rin ang pagdaan sa pagsubok sa mga verse nito.
Pahalagan ang sarili at pakinggan ang debut single ni Angela na “Ako Naman Muna” sa iba’t ibang digital music services.