Sagot ni Willie sa text ni Ai Ai…Hu yu?; kunin na nga kayang co-host ng Wowowin?

BENTANG-BENTA sa Kapuso viewers ang asaran at tuksuhan nina Willie Revillame at Ai Ai delas Alas sa isang episode ng “Wowowin” sa GMA 7.

Habang nagkukuwento ang TV host-comedian sa live airing ng “Wowowin: Tutok to Win” ay bigla siyang nakatanggap ng text message mula kay sa Kapuso Comedy Queen.

Sinabi ni Ai Ai kay Willie na nanonood siya nu’ng mga sandaling yun sa programa nito habang nasa taping ng kanilang teleseryeng “Owe My Love”.

Kasalukuyang nasa lock-in taping sa Bulacan ang komedyana kasama sina Lovi Poe, Benjamin Alves, Winwyn Marquez at marami pang iba.

“Kuya Wil, nanonood ako sa ‘yo, malat ka na, baka kailangan mo ng tulong. Lalabas na ko sa lock in (taping) baka naman,” ang mensahe ni Ai Ai sa TV host.

Binasa ito ni Willie on air kaya biniro niya ang komedyana at sinagot ito ng, “Hu Yu.”

Kasunod nito biniro niya ang mga manonod at ang mga kasama niya sa studio kung pwede bang maging host ng “Wowowin” si Ai Ai kapag absent siya sa programa.

“Sabagay pwede, magaling naman mag-host si Ai Ai. Concert Queen ‘yan, ang galing-galing niyan, nagpapasaya. Puwede no?” banggit pa ni Willie.

Sa puntong ito, biglang tumawag si Ai Ai sa kanya, “Eto tumatawag siya. Uy nagpaparamdam. Huy, Ai Ai buhay ka pa, nagpaparamdam ka na! Ha-hahaha!”

Hindi nasagot ng komedyanye ang tawag ng aktres dahil sa katatawa. Sa muling pagtawag nito ay nagkausap na sila.

“Kuya Willllll! Nagulat ako binabasa mo ‘yung text ko, nahiya ako bigla,” chika ni Ai Ai.

Sinabi naman sa kanya ni Willie na kukunin sana siyang co-host para sa nakaraang event ng isang online shopping app pero nasa taping nga siya. Sayang daw dahil P1 million sana ang budget sa kanya.

Nang tanungin kung game ba si Ai Ai na mag-host ng show pag wala si Willie, napasigaw ang komedyana, “Oo naman! Salamat Kuya Wil!!!”
“Sige mag-usap tayo,” sabi naman ng TV host.

Read more...