MULING pinatunayan ng award-winning actor na si Dingdong Dantes na karapat-dapat pa rin siya sa titulong Kapuso Primetime King.
Magkasunod ang natanggap na bagong parangal ni Dingdong nitong nakaraang linggo — isa ang mula sa 5th Film Ambassadors Night (FAN 2021) ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) at ang ikalawa ay ibinigay naman ng Guild of Educators, Mentors, and Students (GEMS) Hiyas ng Sining Awards.
Sa kanilang virtual awarding na ginanap noong Feb. 28, kinilala si Dingdong ng FDCP bilang isa sa recipients ng Cinemadvocate award para sa kaniyang ipinamalas na malasakit sa mga displaced TV at film worker pati na rin stuntmen nitong pandemya.
Aniya, “Sobrang nakakataba po ng puso na makatanggap ng ganitong recognition.
“Na-consider ko po itong trabahong ito and of course, His blessings, as an opportunity to reach out to others, and help in transforming their lives,” sabi pa ng aktor.
Kabilang din si Dingdong sa listahan ng FAN 2021 Actors Awardees para sa internationally-acclaimed drama na “Descendants of the Sun: The Philippine Adaptation” kung saan nag-uwi siya ng ‘Asian Star Prize’ sa Seoul International Drama Awards sa South Korea.
Samantala, tagumpay rin ang aktor na maiuwi ang Best Performance by an Actor (TV series) para pa rin sa DOTSPh sa ginanap na 5th GEMS Virtual Awarding Program nitong March 1.
Patunay lang yan na isa pa rin si Dingdong sa maituturing na superstar sa kanyang henerasyon. At hindi lang sa larangan ng pag-arte kinikilala ang husay ng Kapuso Primetime King kundi pati na rin sa public service dahil sa dami na rin ng mga natulungan niya, lalo na ngayong panahon ng pandemya.