Carla sa pagiging produkto ng broken family: Hindi pwedeng ipilit kung talagang hindi nagkakasundo

SUPER relate ang Kapuso actress na si Carla Abellana sa kuwento ng pinag-uusapan at laging trending na  GMA primetime series na “Love Of My Life”.

Tulad ng tema ng serye na tumatalakay sa pagiging dysfunctional ng isang pamilya, produkto rin kasi si Carla ng broken family kaya ramdam na ramdam niya ang bawat mabibigat nilang eksena.

Ayon sa isa sa mga lead star ng “Love Of My Life”, relatable ang kuwento nito kung saan ipinakikita nga ang reyalidad ng mga modernong pamilya sa kasalukuyang panahon.

Sabi ni Carla, alam naman ng lahat na nagkahiwalay din ang kanyang mga magulang na sina Rey “PJ” Abellana at Aurea Reyes ngunit hindi ito naging hadlang para ipagpatuloy niya ang buhay at magkaroon ng maayos na kinabukasan.

Ipinagdiinan ng aktres na hindi kailangang manatiling “broken” ang isang tao sa loob ng mahabang panahon kahit na galing siya sa isang hindi perpektong pamilya.

“Pwede namang mag-work pa rin ‘yung relationships, ‘yung pinaka-unit ng family talaga pero I guess it doesn’t apply to everybody. Siguro hindi rin pwede ipilit kung talagang hindi nagkakasundo,” pahayag ni Carla sa panayam ng GMA.

Aniya pa, “At least na maganda na ngayon, 2021 na, may ganitong kwento, may ganitong teleserye tulad ng Love Of My Life, na nagpapakita na ‘yung ganitong setup, ‘yung ganitong klaseng pagka-modern na family na hindi laging nagkakasundo but, at the end of the day, family pa din kayo.

“So mapipilitan ka, you really have to accept that this is your family now. It should work, there are or there is a way to make it work naman talaga.

“So family is family pa rin kahit na hindi kayo necessarily magkakadugo,” pahayag pa ng girlfriend ni Tom Rodriguez.

Samantala, nagpapasalamat naman si Carla dahil sa tagumpay na tinatamasa ng “Love Of My Life” lalo na pagdating sa ratings game. Talagang patuloy pa rin itong humahataw sa Telebabad block ng GMA.

Sa tanong kung ano ang secret formula ng serye, “The good thing kasi about the story of Love Of My Life, you’ll see the flaws of everyone, you’ll see kung ano ang weaknesses nila, lalo na kapag nagka-clash ‘yung mga characters.

“Hindi siya formula e, parang very unexpected s’ya, very realistic. A lot of people can relate kasi nagre-revolve ‘yung story, basically.

“Around this family na medyo may tendency maging chaotic, medyo hindi na typical type of family, modern family para nga silang pinagsasama sa iisang household.

“Relatable ‘yung story, hindi siya ‘yung mape-preredict kung saan pupunta. Kung formula ang pag-uusapan, kung tutuusin, parang wala,” magandang paliwanag ni Carla.

Sa kuwento ng serye, ginagampanan ng aktres ang karakter ni Adelle, ang asawa ni Stefano (Tom Rodriguez) na anak naman ni Isabella (Coney Reyes).

Sa mga nakaraang episode nito, mas nagulo ang buhay ni Adelle pagkatapos mamatay ng kanyang asawa nang patirahin siya ni Isabella sa kanyang mansyon kasama si Kelly (Rhian Ramos), ang ina naman ng love child ni Stefano.

Pero mas tumindi pa ang problema ni Adelle nang magkainlaban na sila ng kapatid ni Stefano na si Nikolai (Mikael Daez). At para sa mga susunod na kaganapan, tutok lang sa “Love Of My Life” pagkatapos ng “Anak ni Waray vs Anak ni Biday.”

Read more...