‘It’s Shoe-time’ vlog ni Vice bumandera: Inggitera ako kaya lahat ng nakikita ko sa Hollywood stars pinag-iipunan ko

“INGGITERA kasi ako, lahat ng nakikita kong damit ng Hollywood celebrities naiinggit ako kaya pinag-iipunan ko. Hindi pwedeng sila lang, kailangan meron din ako, ganu’n!”

Ito ang bungad na sabi ni Vice Ganda sa kanyang vlog kung saan ipinakita niya ang koleksyon ng mamahaling sapatos na tinawag niyang “it’s shoe-time!”

Inirampa ng TV host at comedian sa kanyang napakalaki at magandang walk-in closet ang kanyang mga sapatos, una na nga riyan ang Gucci Monogram boots.

“Binili ko ‘to kasi meron si Beyonce.  Sinuot ni Beyonce ito sa performance niya tapos meron din si Ariana Grande (habang panay ang lakad) kaya hindi puwedeng wala si VG (Vice Ganda).

“Nu’ng binili ko ‘to, pikit-mata kasi mahal pero dahil nagpagod naman ako at nagtrabaho nang husto, deserved ko namang i-spoil ang sarili ko, naman!

“At si Beyonce at saka si Ariana meron nito tig-isa, e, maldita ako kaya hindi lang isa ang binili ko, dalawa (sabay pakita ng kulay pula). ‘Yoko ng isa lang, kailangan dalawa kasi ‘yung paa ko namamaho (sabay tawa). Kaya kapag namaho ‘to (suot na brown), meron pa akong jisa (isa).

“Kaya Beyonce at Ariana, ‘wag kayong nagmama-G (nagmamaganda) saken, isa lang ang boots n’yo, sa akin dalawang pares ang boots ko, oh,” nandidilat na sabi ni Vice sabay alampay sa balikat at saka rumampa pabalik-balik.

“Ito naman ang next kong bootch (as pronounced ni VG), sabi sa inyo mahilig ako sa bootch. This is the Versace Marilyn Monroe collections (may mukha ng Hollywood star).  Binili ko ‘to kasi nakita ko, suot-suot ni Cardi B (American rapper, songwriter at aktresa).

“Siyempre kung meron si Cardi B, kailangan meron din si Cardi Bakla.  Nu’ng nakita ko ‘to, suot pa ito ng mannequin, wala ng size kasi nga ‘yung size ko pang Michael Jordan kaya isang size lang, pinahubad ko sa manikin, sabi ko, bibilhin ko ‘yan,” sabi ni Vice.

Ang pangatlo niyang ipinakita ay ang knee high boots, “Pak, papak pak! Ito naman ang aking off-white for walking.  Binili ko naman ‘to kasi meron si Rihanna (ipinakita ang larawang suot ito ng singer) at dahil jingkitera nga ako kelangan meron din si Vakla .

“‘Yung kay Rihanna kulay puti baka isipin ni Rihnna, sila lang mga foreigner ang puwedeng bumili nito puwede rin sa Pilipinas kaya bumili si Annabelle Rihanna, charot (sabay pose sa iba’t ibang posisyon).”

Ang ikaapat naman ay ang kanyang Yeezy thigh high boots, “Siyempre ang asawa ng me-ari ng Yeezy, si Kim Kardashian (ipinakitang suot ni Kim) kaya ako ang Kim Kardashian ng Pilipinas, sabeee? Kailangan meron ako nito pag suot mo ito, pag bagong suot awra-awra ka (sabay lakad paekis-ekis).

“Pero nakita n’yo naman di ba, ang taas ng takong kaya after 5 minutes, ganito na ang lakad mo (sabay lakad na nakatiklop ang mga tuhod), kasi tiis ganda talaga masakit sa binti, nakaka-cramps kaya hindi ko masyadong sinusuot. Pang very light hour lang so ito ang Yeezy season 2 ni Kim Kardashian na meron din ako (sabay tapik sa binti at flying kiss).”

Panglima ang, “May powerful red Aquazzura blow the knee bootch.  Nakita ko ‘to kasi sinuot ng celebrity na hindi ko mabigkas ang pangalan kaya babasahin ko. Ha-hahaha!  Emily Ratajkowski (London born at American model-actress). Oh, kung hindi n’yo siya kilala hindi ko rin naman siya kilala, nakita ko lang pero celebrity siya, i-Google n’yo na si Emily Ratajkowski, baka asawa siya ni Robert Jaworski (biro ni VG).”

Ang ikaanim ay ang red boots ni Vice na ayon sa kanya ay hindi niya masuot dahil haggard siya at ang mahal ng pagkabili niya.

“Ito oh, ang aking Fendi thigh high boots ang hirap kasing isuot kaya hindi ko na isinuot.  Binili ko ‘to kasi suot naman ni Mila Kunis (Hollywood star) at saka ni Olivia Culpo (Miss Univeerse 2012 at American fashion influencer/social media personality). Si Olivia Culpo, maldita, dalawa ‘yung ganito niya, red and blue kaya naman hindi ako nagpaawat because I am Unkabogable, I also bought the blue pair.

“So I have the red and the blue pair, ‘wag kang umarte Olivia Culpo.  Kung hindi ninyo natatandaan, si Olivia Culpo ay Miss Universe (2012), siya ‘yung Miss USA na nakatalo kay Janine Tugonon (Miss Universe Philippines 2012).”

Pampitong boots, “Next is the Gucci snake boots. Alam n’yo kung sinong celebrity naman ang nagsuot n’yan si Lito Lapid noong hindi pa siya senador siya ang nagsuot nito,” birong sabi ni Ganda.

Ikawalong boots, “Another Gucci Gold boots. Alam n’yo sino nagsuot nito? Si Boy Estregan, Jr., sa Boy Golden Shoot Ti Kill. Ha-hahaha! Action star din. Ha-hahaha.”

“Next is (pangsiyam), this is my very comfortable Louis Vuitton Archlight boots. Binili ko ‘to kasi suot naman ito ni Willow Smith, anak ni Will Smith na kapatid ni ____ (sabay pakita sa larawan ni Jaden Smith). Sinuot din ito ni Itzy Yuna (sabay flash ng larawan ng South Korean singer-rapper). Si Itzy Yuna ay sikat na K-Pop artist. At dahil inggitera ako kaya bumili ako ng isang puti at isang itim,” kuwento ng TV host.

“At dahil hindi natatapos ang aking collection, (pang-10), ito naman ang aking Prada Combat boots. Buy ko to kasi suot to ni Bella Hadid (ipinakita ang larawang suot ito ng American model and voted for 2016 model of the year). Sinuot din ito ni Kendall Jenner,” sabi pa ni Vice.

Mukhang nagsawa na siya sa boots kaya ang sumunod niyang ipinakita ay ang kanya namang stiletto collection.

“Hayan sa mga nagre-request na ipakita ko ang shoe collection ko na suot din ng Hollywood celebrities.  Kaya ‘wag aarte-arte sa akin ang mga celebirties na ‘yan meron din tayong representative from the Philippines. Sana nag-enjoy kayo,” say ni Vice.

Umabot na sa mahigit 1 million views ang shoe collection vlog na ito ni Vice simula nu’ng i-upload niya nitong Peb. 23.

Read more...