Lady Gaga nag-alok ng $500,000 pabuya para sa 2 ninakaw na aso

TUMATAGINTING na $500,000 ang ibibigay na pabuya ng pop superstar na si Lady Gaga sa sinumang makaka-recover sa ninakaw niyang mga aso.

Ito’y matapos mabalita na nabaril ang kanyang dog walker at nakawin ang dalawa niyang French bulldog  sa Los Angeles.

Ayon sa report ng Daily Mail, nasa Rome umano si Lady Gaga para sa shoot ng isang pelikula kaya naiwan sa LA ang mga French bulldog niyang sina Koji at Gustav.

Inilalakad daw ng dog walker ang mga aso ni Lady Gaga nitong Miyerkules ng gabi nang mabaril ito.

Tumakas daw ang suspek sakay ng isang puting sasakyan at dala-dala ang dalawang French bulldog.

Dalawa lamang sa mga aso ng international singer-actress ang nawala dahil nakatakas daw ang ikatlo na nagngangalang Miss Asia  at natagpuan din agad.

Ayon pa sa ulat, kinumpirma ng Los Angeles Police sa BBC na isinugod ng mga fire department paramedic sa isang local hospital ang dog walker ni Lady Gaga.

Sabi pa ng isang source na malapit kay Lady Gaga, nananawagan ang Hollywood star sa sinumang makakakita sa kanyang mga aso na makipag-ugnayan lang sa pamamagitan ng kojiandgustav@gmail.com.

Read more...