Sofia Andres muntik nang mabiktima ng ‘agaw-cellphone’ sa EDSA: Ang bilis! I got super scared!

MUNTIK nang mabiktima ng agaw-cellphone gang ang aktres na si Sofia Andres habang bumibiyahe sa kahabaan ng EDSA kagabi.

Grabe raw ang takot na naramdaman niya nang biglang may lalaking magtangkang hablutin ang kanyang mobile phone.

Sa pamamagitan ng ilang video clips na in-upload niya sa kanyang Instagram Stories, ikinuwento ni Sofia kung paano pinagtangkaang agawin ng snatcher ang hawak niyang cellphone.

Hindi naman nabanggit ng celebrity mom kung saang bahagi ng EDSA nangyari ang insidente.

Mapapanood sa unang video na unti-unting umaandar ang kanilang sinasakyan habang nasa kahabaan nga ng EDSA. Nasa backseat si Sofia habang nakatingin sa labas ng sasakyan.
Makikitang katabi ng Kapamilya actress ang boyfriend niyang car racer na si Daniel Miranda.

Pahayag ni Sofia, “I was just using my phone and the windows are open, mayroong mga lalaki dito na nangunguha ng phone. Muntik nang makuha yung phone ko.”

Sa sumunod na bahagi ng video, makikitang sarado na ang bintana ng sasakyan sa gilid ni Sofia na nagsabi pang, “Grabe, ang bilis niya! I got super scared.”

Pinayuhan naman niya ang mga taong bumibiyahe sa EDSA na doblehin ang pag-ingat dahil sa naglipanang snatchers ng cellphone sa lugar. Aniya, mukhang maraming nambibiktima sa EDSA lalo na kapag matindi ang traffic.

Paalala pa ng aktres, “So, be careful. Huwag na kayong mag-open ng windows or anything.”

Sabi pa niya sa isang IG Story, talagang nanginginig siya sa matinding takot dahil sa nangyari.

Samantala, sa isa pang bahagi ng video na ipinost ni Sofia, biglang napatigil ang aktres habang nakatingin sa labas at hawak pa rin ang muntikan nang maagaw na cellphone.

Nang ibaling niya ang camera sa isang bahagi ng EDSA, nakita roon ang dalawang lalaking nakasakay pareho sa motorsiklo na mukhang kahina-hinala. Sabi ni Sofia, “And then they saw me,” sabi ni Sofia. “Wow…cringe!”

Kasunod nito, nag-post uli ang aktres sa IG ng mensahe hinggil sa nakatakot na karanasan sa EDSA.

Aniya, two inches lang daw ang pagkakabukas ng bintana ng kanilang sasakyan nang magtangka ang snatcher na agawin ang kanyang cellphone habang siya’y nagte-text.

“Nipis ng arm niya infair. Sarap ipitin,” ang hirit pa ni Sofia patungkol sa snatcher.

Read more...