Aiko, Vina sumabak sa street food vlog; na-challenge sa pwet ng manok, ‘Betamax’

MAGALING talagang artista si Aiko Melendez dahil pati si Vina Morales na isa ring mahusay na aktres ay napaniwala niyang muntik na siyang mahimatay dahil sa pagkain ng chicken feet.

Si Aiko ang guest ni Vina sa kanyang YouTube channel kasama ang kaibigan nilang si Doc JM kung saan ang challenge ay kakain sila ng street food tulad ng isol or pwet ng manok, tenga ng baboy, isaw o bituka ng manok, isaw ng baboy, Betamax (dugo) at chicken feet.

Habang isa-isang binabanggit kay Aiko ang pangalan ng mga kakainin nila ay napapangiwi siya at nakakunot ang noo dahil hindi raw siya kumakain ng ganu’n klaseng pagkain.
Isa lang ang alam niya, ang isaw. Pero si Vina ay umaming natikman na niya lahat maliban sa Betamax.

Unang kinain ng tatlo ang pwet ng manok na gustung-gusto nina Vina at Doc JM, pero si Aiko ay iniisip pa kung ano ang lasa sabay sabing, “Masarap ‘yung suka. Hayan nakakain na ako ng pwet,” saad ng aktres.

Habang sarap na sarap si Vina ay nagkahagalpakan ang dalawang aktres nang banggitin ni Doc JM na kumakain talaga siya ng pwet kapag mahal niya.

Ginawang sabaw naman ni Aiko ang sukang tinda ni Vina dahil panay ang higop niya nito.

Ikalawa nilang tinikman ay ang tenga ng baboy na inilalagay din sa sisig at nang matikman ito ni Aiko, “Toko nito! Ekkk (sumama ang mukha)! Parang malansa.”

Ikatlo ang isaw at mukhang okay ang lasa para sa aktres dahil wala siyang komento at para maging masaya ang kanilang street food challenge ay naglaro rin sila ng “Totropahin O Jojowain.”

Pero humirit ang kaibigang doktor nina Vina, “Parang kulang kasi totropahin, jojowain, dapat may Titikman.” Nagkahagalpakan na naman ang dalawang aktres.

Relate naman daw ang “titikman” dahil may mga pagkain sa harap nila.

Binanggit ni Doc JM si Derek Ramsay, “Jojowain, Totropahin at Titikman.”

Biglang napaisip si Aiko (sabay pakita ng larawan ng boyfriend niyang si VG Jay Khonghun), “Since ako guest ‘no, so ako mauuna? Derek? Na-link ka do’n eh (sabay turo kay Vina kaya tawanan ang tatlo). Tropa na lang,” sabi ng aktres dahil nga may boyfriend siya.

Pero sabi ni Vina, “Halimbawang walang mga ganu’n (na-link sa kaibigan) tapos single ka sis?”

Sagot ni Aiko, “Sige na nga magpakatotoo tayo, sige titikman.”

Grabe ang hiyawan nina Vina at Doc JM at parang nahiya naman si Aiko sa sinabi niya.

“Titikman ang bituka lang,” giit naman ni Vina.

“Ako naman titikman ko talaga kahit 1 million times, siyempre Derek Ramsay ‘yan,” sabi ni Doc JM.

Sabay tanong ni Aiko kay Vina, “Ilang taon na ba siya sis?”

“Alam ko 40 plus,” sambit ni Vina.

“Yummy pa rin!” diin ni Doc JM.

“Totoo ‘no, agree-agree ako,” say ni Vina.

Tila naintriga rin si Aiko sabay tanong kay Vina, “Yummy ba?”

At natigilan si Vina, “Yummy siya! (sabay taas ng isaw).” Ikinatawa naman nang husto ni Aiko ang sagot ng kaibigan.

Hanggang nagkuwento na si Vina na sabay daw sila ni Aiko noong dekada 80 at pawang dramatic actors ang naging leading man ng huli samantalang puro action stars naman ang nakasama ng una.

Sabay banggit ni Vina ang pangalan ni Aga Muhlach (unang boyfriend ni Aiko), “Yun, totropahin, jojowain o titikman?”
“Naging jowa ko siya dati di ba? Pero wala kasi bata pa ako no’n kaya wala,” kuwento ni Aiko.

“Ah pa-sweet,” sabay sabi nina Vina at Doc JM.

E, si Richard Gomez? “Jojowain. Kasi si Goma, si Mayor (ng Ormoc City), mabait na tao pag nakilala mo kaya jojowain,” paliwanag ni Aiko.

Anyway, naubusan na sila ng pangalan ng lalaki kaya balik na sila sa street food challenge.

Si Aiko ang unang sumubo ng Betamax o dugo at isinawsaw sa suka pero muntik maduwal kaya uminom siya ng tubig, “Alam mo pasalamat tayo sa suka mo sis, safe,” ani Aiko.

Tinikman din ng aktres ang isaw ng baboy pero mas gusto raw niya ang bituka ng manok sabay higop ulit ng suka.

At ang panghuli ay ang chicken feet at inamin ni Aiko na hindi siya kumakain nito at kitang-kita sa mukha na nandidiri siya.

Si Vina naman ay talagang kumakain ng paa ng manok sa dimsum at gustong-gusto niya ang sabaw nito lalo na ang gitna dahil malaman daw.

Habang sarap na sarap sina Vina at Doc JM ay biglang nag-iba ang itsura ni Aiko at nasusuka raw siya at iniluwa sa napkin ang nakaing paa ng manok.

Hindi pinapansin nu’ng una nina Vina si Aiko habang naduduwal na ikinatawa pa ng una pero nu’ng tumalikod na ito at sinabing hindi siya makahinga sabay sabing, “Nag-a-allergies ako.”
Tumatawa pa rin si Vina, “Oh, my God! Sorry sis ha.”

Pero nu’ng sinabi na ni Aiko na hindi siya makahinga dahil sa paa, “’Yung paa? Oo nga, nakakatakot siyang tingnan, di ba?” kaswal pa ring sabi ni Vina.

Pero patuloy pa ring nakatalikod sa camera si Aiko at hinahabol na nito ang hininga niya kaya inalalayan na siya ni Doc JM, “Breath in and out. Relax lang.”

Natataranta na si Vina dahil muling tinanong si Aiko, “Hindi ka pa nakakain nito?” sabay iling ng kaibigan.

Naluluha na si Aiko sabay inom ng tubig at sinasabihan siyang mag-relax ni Doc JM sabay tayo para alalayan na ang aktres.

Si Vina naman ay hindi na alam ang gagawin at napatayo na rin, “May mga taong hindi talaga kanya ang mga ganyan. Sorry. Itago na nga natin ‘to (sabay alis ng plato ni Aiko at ng paa ng manok).” Sumenyas ito sa kaibigang doktor at naiiyak na rin.

Nang maramdaman na ni Aiko na takot na ang kaibigan ay saka niya sinabing, “It’s a prank.”

Si Vina naman ang naluluha at natatawa sa nangyari na itinago ang mukha sa buhok niya, “Oh my God! I felt so bad!” hiyaw ng aktres.

Tawa naman nang tawa si Aiko sabay sabi kay Vina, “Pinagpawisan (ka).”

Read more...