MARAMING naapektuhan sa mga life hugot na ibinahagi ng mga Kapamilya stars na sina Angeline Quinto, Sylvia Sanchez at Nonie Buencamino.
Isang touching video ang inilabas ng Dreamscape Entertainment para sa latest series nilang na “Huwag Kang Mangamba” kung saan bibida sina Andrea Brillantes, Francine Diaz, Seth Fedelin at Kyle Echarri.
Ang “Huwag Kang Mangamba” ang upcoming inspirational series ng ABS-CBN na hango sa kanta ng worship musical group na Bukas Palad Music Ministry.
Dito, makakasama rin sina Angeline, Nonie at Sylvia na nauna na ngang nagbigay ng mga patotoo tungkol sa hindi matatawaran at matutumbasang pagmamahal ng Diyos.
Mapapanood sa inilabas na video ng Dreamscape ang pahayag ng tatlong bituin ng serye kung paano sila kumapit sa kanilang pananampalataya habang hinaharap ang mga problema at pagsubok ng buhay.
Pahayag ni Angeline, “Alam nila na nahihirapan ako araw-araw. Pero alam ng mama ko kung gaano ako kalakas na tao. Ngayon mag-isa ako, si Mama Bob lang ang pamilya ko.
“Kung mabibigyan po ako ng pagkakataon na makausap si Bro, wala po akong ibang itatanong kung hindi kumusta ang mama ko,” sabi pa ng singer-actress na hanggang ngayon ay nagluluksa pa rin sa pagkamatay ng kinilala niyang ina na si Sylvia “Mama Bob” Quinto.
Dagdag pa niya, “Yun ang pinakamasakit na hiningi ko sa Kanya na kung kailangan na Niya ang Mama Bob ko ay okay na ako. Alam na alam ko na kahit nasaan ako, kahit anong oras, alam kong nandiyan si Bro.”
Inalala naman ng award-winning actress na si Sylvia Sanchez ang matitinding hirap na kanyang hinarap bago naabot ang mga pangarap niya sa buhay.
“May mga pinagdaanan akong hindi ko gusto pero kailangan dahil gusto kong mabuhay ang pamilya ko. Hindi ko alam kung sino ang kakapitan ko, kanino ko sasabihin, mag-isa po talaga ako.
“Nakakapagod kasi kahit gaano ka ka-strong na tao, kapag puro negative, puro panlalait, magiging weak ka talaga, susuko ka talaga,” lahad ni Ibyang.
Pagpapatotoo pa niya, “Dahil sa Diyos ‘yung lahat ng sama ng loob ko sa lahat ng taong nanakit sa akin, nawala lahat. Bigla na lang ako nagising na may Diyos pala.”
Samantala, ang pagkamatay naman ng anak nila ng asawang aktres na si Shamaine Buencamino ang binalikan ng magaling na veteran character actor na si Nonie.
“May Diyos ba? Dahil sa sakit, ang hirap mabuhay na may sama ng loob at sakit. Namatay ang anak mo, nagpakamatay siya.
“So sabi ko, ‘Bakit Mo pinabayaan na mangyari yon?’ Kasi akala ko hindi ko na kakayaning mabuhay pa dahil sa nangyari sa amin.
“Sa pagdarasal ko, gumagaan ang loob ko at nakita ko na nandiyan pala ang Panginoon, hindi Niya ako pinababayaan,” pahayag pa niya.
Malapit nang mapanood ang “Huwag Kang Mangamba” kung saan makakasama rin sa cast sina Mylene Dizon, Diether Ocampo, Eula Valdes, Enchong Dee, Matet de Leon, Dominic Ochoa at RK Bagatsing.